Pagbabahagi ni Rowena Mangalino mula sa Coron, Palawan

Ako ay nagtatrabaho noon bilang isang cashier sa isang pamilihan ng sariwang isda sa Bgy. Tagumpay Coron, Palawan, sapat lang sa pagkain at pangunahing pangangailangan ang kinikita ngunit nahinto ito ng panahong iyon dahil sa isang aksidente kong pagkahulog sa isang 15 metrong  lalim na balon.

Dahil sa aksidente, nagging alipin ako ng aming upuang tumba-tumba; hindi makatayo, makalakad at ni makakilos ng husto. Nawalan ako ng trabaho, ang aking asawa ay umiextra extra lang sa vulcanizing shop na pag-aari ng aking mga byenan.

Dalawang babae at dalawang lalaki na ang mga anak ko ng panahong iyon Sina Karmille Ann, Kent Aldwin, Kim Angela at Kenneth Rey, nagpaligate na ako ng libre sa isang medical mission.

Dahil sa kagustuhan kong makatulong sa aking asawa habang nkaupo at nagpapagaling, gumagawa ako ng mga kwintas na yari sa buto ng mga punong kahoy at ibinibenta ko sa tourism office kung saan ginagamit nilang pangsalubong sa mga bumibisita noon sa  munisipyo ng bayan ng Coron. Gumagawa rin ako ng mga shell souvenir, or shell craft, kurtina at pabitin upang matustusan  ang pag aaral at pangangailangan ng pamilya.

Noong gumaling ako nagtrabaho ako sa Sunz en Coron Resort bilang taga asikaso ng kanilang business permit, taga asikaso at taga bayad ng kanilang SSS, Pag Ibig. Pumapasok ako ng tatlo hanggang apat na beses sa isang buwan at tumatanggap ng P3,000 na buwanang sahod.

Sa mga araw na bakante ako, patuloy paggawa ko ng souvenir. Subalit, sa di kalaunan ay nahinto na din ito dahil ipinagbawal na ang pagkuha ng shells.

Hindi pa rin ako tumigil na maghanap ng paraan upang kumita. May lumang makina ang aking byenan hiniram ko iyon at nagsimula akong tumanggap ng mga repair ng mga damit Nagmasahe o naghilot din ako sa mga matatandang babae, sa mga guro, at iba pang negosyante sa gabi isang beses sa isang lingo.

Nakapasok din akong ingat-yaman ng Barangay Poblacion 2 na may honoraryang P2,500 kada buwan.

Makalipas ang ilang buwan, napasama kami sa 4Ps. Tuwang-tuwa kami sa sunod sunod na pagpapala at grasya ng Diyos. Lalo na para sa pag aaral ng mga anak ko, alam kong napakalaking tulong iyon at ipinangako kong ilalaan ko iyon sa kanila lamang.

Nagpatuloy ang buhay ko bilang ingat-yaman ng aming barangay at part time sa Sunz en Coron Resort. Natutunan ko ang maraming bagay patungkol sa pag-aayos ng mga papeles, marami akong na-attendan na mga pagsasanay at seminar sa mga turo sa 4Ps tuwing kami ay may FDS. Isinabuhay namin ang lahat at kumuha pa ako ng iba pang partime job gaya ng sa Sunz En na sa bahay ko lang gagawin sa mga libreng oras ko. Nangarap at nagsikap habang maayos at patuloy na nag-aaral ang aming mga anak gamit ang allowance at grant galing sa pantawid.

Unti-unti kaming nakabangon, nakapagpagawa ng maayos na palikuran, nagtatanim ng mga gulay sa bakuran, at nakikilahok sa cleaning program, coastal clean-up, tree planting at iba pang gawaing panglipunan. Walang sinasayang na pagkakataon sinikap na makaipon, ngunit kakambal na ng buhay ang mga pag subok, lingid sa aking kaalaman ay naliligaw na nang landas ang aking asawa at natutong gumamit ng droga at nakulong. Upang makalaya ay pinyansahan at nagkautang kami sa mga kaibigan, sa trabaho at sa kamag anak. Lalo akong nagpursige dahil gusto kong bigyan ng pagkakataon ang aking asawa na nangangakong magbabago at humingi na pagkakataon.

Marahil dahil sa stress, at pagod bumalik ang dati kong sakit ang leukemia ngunit naging survivor sa awa ng Diyos. Nagkaroon na ako ng Nephrotic Syndrome bilang side effect at kailangan ng follow-up check-up kada tatlong buwan.

Dito sa pagpapagamot ay napakalaki ng tulong na nakukuha namin sa 4Ps. Kapag sa Culion General Hospital kami nag papagamot ay libre lahat at wala kaming binabayaran. Napakamahal ng laboratory test fee, ngunit dahit 4Ps kami, wala kaming binabayaran, kaya regular kaming nakakagpacheck up at maging ang gamot basta’t meron ang pharmacy ng ospital ay libre na rin.

Sa tiwala ng aking mga amo sa Sunz En Coron, nagging fulltime HR officer ako. Pinagpala ako at nakatagpo ng mababait at Krisytiyanong mga amo, nasaksihan ko kung paano sila tumulong sa mga mahihirap sa pamamagitan ng buwanang pag pagpapakain (feeding) sa mga mahihirap na paaralan sa bayan Coron at Busuanga.

Pinasok namin ang pag-aahente ng mga ibenibentang lupa sa dito sa bayan ng Coron, at Busuanga umaasa sa khit kunting komisyon upang unti-unting makapundar ng kagamitan at pag aari, pero naudlot ito nang maaksidente sa motor ang asawa ko na nagtatrabaho na sana noon sa Philippine Airlines kaya nawalan ulit ng trabaho.

Noong ika 27 ng Oktubre 2017 Nasayang lahat nang aming mga naipong gamit dahil sa isang sakuna, nasunugan ang aming lugar at isa kami sa halos 80 kabahayan na natupok ng apoy. Wala kaming nailigtas na gamit kahit isa, maliban sa isang bag na daladala ko mula sa trabaho at sa mga saplot namin sa katawan.  Gumuho aming mundo.

Magkaganun pa man, may mga taong tumulong sa amin upang makabangon. Ginamitng Panginoon ang aking mga amo upang makapagsimulang muli. Napakaraming tumulong sa amin, mga kaibigan, kamag-anak na nagbigay ng gamit, damit, pagkain at pinansyal na suporta. At ang pinakamalaking surpresa ay ipinagpatayo kami ng konkretong bahay ng aking mga amo.

Ang panganay kong anak na si Karmille Ann ay nakapagtapos bilang isang  guro sa Palawan State University (PSU) Coron at nakapasa agad sa board exam noong 2016. Nakapagturo sya sa Claudio Elementary School taong 2018. Habang ako ay nagkasakit naman at naratay dahil may komplikasyon na rin sa puso sa pagtaas ng kolesterol dahil mahina na rin ang kidney kaya pabalik-balik sa ospital kung saan 4Ps ang naasahan nang malaki.

Si Kent Aldwin, ang pangalawa kong anak ay kumuha ng kursong Civil Engineering, naging Dean’s Lister at scholar sa PSU Puerto Princesa City ng ESGP-PA (Expanded Students Grants–in Aid Program for Poverty Alleviation) dahil na rin sa kami ay benepisyaryo ng 4Ps. Habang si Kim Angela ay lumipat na din sa Palawan National School (PNS) sa Puerto Princesa upang mag-aral ng Senior Highschool doon. Ang bunsong si Kenneth Rey ang naiwan dito sa amin sa Coron School of Fisheries.

Ako ay gumaling muli sa awa at grasya ng Diyos, nanalo naman ang aking asawa bilang barangay kagawad ng aming Barangay Poblacion 2. Patuloy ang maganda kong trabaho at nagpaplano na kami ngayon na mag-boluntaryo nang mag-exit bilang 4Ps member dahil alam kong may mas higit na nangangailangan kaysa sa amin. Nakakalungkot man isipin dahil napakalaki nang naitulong sa pag-aaral ng mga anak ko dahil iyon talaga ay buo kong inilaan sa kanila walang labis, walang kulang, masaya ako na isa kami sa natulungan ng programang ito. ###