Pagbabahagi ni John Ballogan mula sa Lagawe, Ifugao

Sa isang munting bahay sa Canablog, Poblacion West bayan ng Lagawe, kasama ng aking mabait at responsableng asawa ay bumuo kmi ng isang pamilya na bunga ng aming pagmamahalan. Biniyayaan kami ng limang anak na sina Joe Mike, Paulyn, John Paul, John Jr. at Princess Janna. Ang aming panganay na si Joe Mike ay pinanganak na may kapansanan. Hindi siya nakapag-aral ng dahil sa kanyang kondisyon sapagkat kailangan namin ng aking asawa na magtrabaho kasabay ng pag aalaga sa kanya. Kami at ang aming mga anak ang nagturo sa kanya ng mga bagay tulad ng pag-aayos ng sarili, maayos na pakikisalamuha sa mga tao at iba pang magagandang asal. Hindi madaling magkaroon ng special child sa pamilya pero ni minsan hindi namin inisip na pabigat siya sa amin. Malaki ang pasasalamat ko sa pangalawa kong anak na si Paulyn na siyang naging panganay sa kanilang magkakapatid. Matiyaga niyang ginagawa ang mga gawaing bahay at pagtuturo na rin sa kanyang mga kapatid sa kanilang pag-aaral. Ang pangatlo, pang-apat at ang aming bunso naman ay mga mababait at masunuring mga anak. Ni minsan ay hindi nila kami binigyan ng problema sa kanilang pag-aaral kahit may mga pagkakataon na wala kaming maibibigay na baon at kumpletong kagamitan sa paaralan. Gayun pa man, palagi namin silang pinapabaunan ng payo na mag-aral ng mabuti para sa kanilang kinabukasan.

Tulad ng iba, dumaan din ang aming pamilya sa mga pagsubok ng buhay. Dahil sa maralitang pamumuhay, hindi namin maipaayos ang aming bahay na gawa lamang sa tagpi-tagping yero at kahoy. Tuwing umuulan o bumabagyo, aligaga kaming lahat, nagkalat ang mga balde para sumalo sa mga tubig na tumutulo mula sa bubong. Labis ang takot ko para sa aking pamilya pagdating ng malalakas na bagyo pagkat anumang oras ay pwedeng liparin ang aming bahay. Minsan ay nakikisilong kaming pamilya sa kapitbahay hanggang humupa ang ulan. At pagkagising sa umaga, maghahanap na lang kami ng mga tsinelas o iba pa naming gamit na naanod sa kanal. Dahil sa hirap ng buhay, ni hindi man lang kami makakabit ng sarili naming kuntador at nakikihati din kami sa tubig ng kapitbahay, na kadalasan nagiging sentro ng usap-usapan sa aming barrio.

Iba’t ibang trabaho ang pinasok ko tulad ng pagtratrabaho bilang job order, laborer sa mga konstruksyon at sa mga nagtatawag ng arawang trabaho. Ang aking misis naman ang naiiwan sa bahay upang magbantay kay Joe Mike o kaya naman ay nakikitrabaho sa arawang kita. Ngunit hindi pa rin sapat ang aming kita para suportahan ang aming limang anak, ang kanilang pag-aaral at gamot ng aming panganay.

May mga araw na kapos na kapos kami na kahit bigas ay hindi kami makabili. Naranasan ng mga anak naming kumain ng kanin na may asin o toyo. Masakit sa loob ko na tingnan sila sa ganoong kalagayan. Ngunit wala lang akong magawa pagkat kinailangan naming tustusan ang pagpapagamot ni Joe Mike na pabalik-balik sa ospital. Lahat ng pwede kong mautangan ay inutangan ko na. At kapag mayroon na akong kita ay inuunti-unti kong binabayaran ang mga utang at ang natira ay ibinibili ng bigas.

Isa na namang pagsubok ang dumaan sa aming buhay nang magkasakit ang aking may bahay na kinakailangan ng operasyon. Para akong binagsakan ng langit sa dami ng problema sumusubok sa amin. Pinanghihinaan ako ng loob pero hindi ko pwedeng ipakita sa aking mga anak. Ni minsan hindi ko sinisi ang Diyos sa aming paghihirap, bagkus Siya ang naging sandalan namin sa lahat ng aming pinagdaraanan. Hindi rin ako sinukuan ng mga anak ko, sinamahan nila kami ng kanilang nanay sa pagharap sa mga problema.

Sa taong 2009, isa kami sa mga mapalad na napiling tulungan ng gobyerno sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Kinakailangan lang daw naming sumunod sa mga alituntunin tulad ng pag-aaral ng aming mga anak, pagpapatingin sa klinik at pagdalo sa Family Development Session. Isa itong  bagong pag-asa na sumilay sa aming buhay at dinig na rin ang aking pagsusumamo sa Diyos. Sa wakas ay maibibigay ko na ng kompleto ang mga gamit sa paaralan ng aking mga anak at makakapag-aral na rin sila ng maayos. Para sa isang magulang na katulad ko, ang pagbibigay ng magandang edukasyon sa mga anak ay isa sa pinakahihiling ko sa Diyos upang balang araw ay matamasa nila ang maayos na buhay.

Tumuntong ako sa kolehiyo at marami na akong naging karanasan ngunit aaminin kong marami pa akong dapat matutunan sa buhay. Ang FDS ay isa sa naging daan upang matuto ako ng mabuting paraan ng pagpapamilya. Alam ko sa sarili ko na isa akong responsableng ama at asawa ngunit mayroon pa pala akong mga tungkulin na dapat gampanan. Kaya’t dumalo ako sa AMMA training para matuto sa mga kung papaano maging ama at ako’y naging “advocate” din. Mas napagtibay din ang samahan naming mag-asawa sa pagpapalaki ng aming mga anak at pagpapalago ng aming munting negosyo. Marami kaming natutunan tulad na lamang ng “gardening” na naging solusyon sa mga araw na wala kaming makain. Lahat ng mga salita at payo na naririnig ko o ng asawa ko tuwing FDS ay naging aksyon o gawa sa loob ng aming bahay. Maliban sa pinansyal na tulong na naibibigay sa amin, natulungan din ako at ang aking pamilya na magkaroon ng maayos na samahan balot ng pagmamahalan.

Sa kabila ng pagsisikap ko para sa aking pamilya, ay naging aktibo ako sa mga assosasyong aking kinabibilangan tulad ng AMMA, LAFETODAI, Market Vendors’ Association, PTCA, Canablog Neighnorhood Association, Kiphodan Community Organization Inc. Pati ang aking misis ay kasabay kong tumutulong sa aming pamayanan sa pagseserbisyo bilang isang barangay kagawad. At ang aming mga anak ay naging aktibo rin sa simbahan. Minsan ay iniimbita ako bilang speaker sa mga aktibidad o iba pang mga okasyon.

Unti-unti kaming bumangon sa pagkalugmok. Nabayaran namin ang aming mga utang sa awa ng Diyos. Ang  kakaramput naming kita sa pagtitinda sa palengke ay aming inipon para sa pagpapagawa ng simple naming bahay. Hindi na mararanasan ng aking mga anak ang paglalagay ng mga balde upang masalo ang mga tumutulong tubig-ulan at ang pakikisilong sa kapitbahay tuwing may bagyo. At makakakain na rin kami ng masarap na pagkain na hindi naming kayang bilhin noon.

Lumago din ang aming munting tindahan ng gulay sa palengke. Pumapasada rin ako ng tricycle. Natuto kami ng asawa ko sa negosyo at paghawak ng pera sa seminar na aking dinaluhan tungkol sa Business Entrepreneurial Management at sa Basic Bookkeeping sa aming FDS. Natuto kaming mag tipid at mag impok para sa mga pangangailangan nang aming mga anak lalo na at magkokolehiyo na si Paulyn ngayong pasukan.

Sa tuwing naiisip ko ang paghihirap ng aking pamilya ay naluluha na lang ako. Labis ang pasasalamat ko sa Diyos at binigyan niya ako ng lakas ng loob upang humarap sa mga pagsubok. Kaya’t lagi kong pinaalalahan ang aking mga anak na mag-aral ng mabuti at maging mabuti sa ibang tao pagkat minsan sa aming buhay ay nakaranas rin kami ng masalimuot na karanasan ngunit may mga taong may mabubuting puso na tumulong sa amin.

Sa ngayon, ang aming anak na si Joe Mike ang naiiwan sa aming bahay at minsa’y sya ang gumagawa sa sa mga gawaing bahay habang kaming mag asawa ay naghahanapbuhay, Si Paulyn naman and pumapalit sa aking asawa sa palengke kung may kailangang ayusin o sesyon sa barangay Hall, at sina John Paul, John Jr. at Princess Janna ay masisipag na nag-aaral kahit ngaung panahon ng pandemya.

Hindi man kami mayaman, basta’t may pagkain sa aming lamesa. Hindi man kami makapamasyal sa iba’t ibang dako ng mundo, basta’t kami’y magkakasama at sama-sama naming abutin ang pangarap ng aming mga anak sa tulong ng gobyerno sa amin at higit sa lahat, sa biyaya ng Diyos sa amin. ###