Pagbabahagi ni Allen Amores mula sa Baler, Aurora

Abot hanggang langit ang aking saya ng minsang marating ko ang rurok ng tagumpay para sa aking mga anak. Hindi masidlan ng tuwa ang aking nadarama ng makita kong unti-unti kaming umaakyat sa harap ng maraming tao, sa isang mlawak na entablado, suot and itim na toga, simbolo ng pagtatapos ng aking mga anak sa kolehiyo. Sariwa pa sa aking mga alaala ang lahat ng hirap na pinagdaanan naming mag-iina, simula ng mawalan ako ng asawa at unti-unti naming paggapang sa hirap, oo masalimuot pero naging pundasyon naman namin ang lahat ng hirap at pagsubok para sa hangaring maabot ang pangrap ng aking mga anak, basta sama-sama ay kayang-kaya.  Tayo muna ay magbalik-tanaw sa aming nakaraan kung paano namin naabot ang ganitong estado ng buhay sa kabila ng pagiging balo sa loob ng labing tatlong taon (13).

Sa murang edad na labing anim (16), ako ay maagang nag-asawa dahil na rin sa hirap ng buhay. Kagaya ng karamihan, namulat sa hirap ng buhay at tanging pag-aasawa lang ang naging sagot sa pagtakas sa ganitong buhay. Sa mura kong edad, iyon ang inakala kong tama. Iyon ang inakala kong solusyon sa kahirapan subalit habang ako ay nagkakaedad at naunawaan na ang agos ng buhay. Hindi pala dapat, subalit hindi na maibabalik pa ang nakaraan. Kailangan bumangon tayo kung saan tayo nadapa. Naging ganap akong ina sa murang edad ng masilayan ko ang mukha ng aking panganay na si Jhon Edward at pagkalipas ng isang taon ay nasundan ni Daniel, dalawa hanggang tatlong taon naman ang pagitan ng mga sumunod, si Edelyn, Arian, Vanessa Mae, Kyla Joyce at Angela. Ang buhay mag-asawa ay punung-puno ng pagtitiyaga, pagunawa, pagpapatawad, at pagmamahal. Hindi man naging marangya ang buhay naming mag-asawa subalit kami ay masasabi kong masaya. Oo ang problema at away mag-asawa ay laging nandiyan dahil kaakibat naman talaga iyon ng ating buhay. Wala man kami formal na pagsasanay sa buhay may-asawa at pagiging magulang subalit naniniwala ako at ang aking asawa na ang pagmamahal ang laging nagpapatatag sa isang pamilya. Sabi nga nila “family is love”.  Simple lang ang buhay namin, ang asawa ko ay regular na drayber sa pribadong kumpanya at ako naman ay taong bahay dahil sa mga bata na dapat ay alagaan.

Taong 2007, kasabay ng pagsilang ko sa aking bunsong anak, nadiskubre din namin na may liver cancer ang aking asawa. Napakabigat ng pagsubok na ito, pito ang aming anak at ang taong kumikita para sa pamilya ay halos hindi na makapaghanap-buhay. Napakabata pa ng aking mga anak, labing anim na taong gulang lamang ang aking panganay.  Pakiramdam ko bigla gumuho ang aking mundo pero sabi ko muli, bangon lang. Kakayanin para sa mga anak hindi dapat sumuko. Subalit parang nais ko na sumuko ng bigla pumanaw ang aking asawa. Ang bigat sa dibdib, ang aking bunsong si Angela halos hindi sila nagkasama ng kanyang ama, sa murang edad na tatlo ay napagkaitan ng pagkakataon makabiruan, mayakap at makalaro ang kaniyang ama.  Sobra nayanig ang aking mundo. Maraming mga tanong ang sa akin ay nagpagulo. Sa kung paano kami mabubuhay na mag-iina. Naging tuliro ang lahat, umabot ako sa puntong hindi ako makapagsalita, gabi-gabing nagdadasal at humihingi ng awa sa diyos na kung ito man ay isang panaginip. Nawa’y gisingin ako sa pagkakatulog. Subalit ito na ang katotohanan, sa murang edad, na tatlumput-dalawa ay kasama na ako sa mga babaeng maagang nawalan ng asawa. Hindi ko alam kong paano ako babangon, kung saan ang dating maayos na pamumuhay ay tila naging isang ibon na nawalan ng pugad, unti-unting nagsimulang magutom, ang dating maayos na paglipad ay bumaliko at walang direksiyon na tinatanaw. Subalit, kailangan ko bumangon. Pinadala ko ang tatlo sa aking mga anak sa Baler, Aurora sa aking ina upang kami ay makaraos sa pang-araw araw.  Ibenenta ko ang aming mga pundar kagaya ng washing machine, refrigerator, gasul at sumunod sa aking mga anak sa Baler, Aurora upang kami mag-iina ay magsama sama. Mula sa Marikina kami ay nagtayo ng sariling bahay dito sa Aurora.  Dahil wala kami sariling lupa, kami ay nakiusap na makitirik ng aming bahay sa isang bakanteng lupa. Salat man sa karangyaan ang aming tahanan, dingding man ay gawa sa nilalang dahon ng niyog at kung ano ano pa na pinagtagpi tagpi, wala man kaming telebisyon, refrigerator at ano pang appliances, masaya naman ako at kasama ko lahat ang aking mga anak. Dito ay magsisimula kaming muli. Nagtanim kami ng kamote para mabuhay. Isinasama namin sa NFA rice para kahit papaano ay may pandagdag sa aming pagkain. Kung minsan nama’y kinakayod/ginagadgad upang gawing kakanin (pinilag) at ititinda. Tulung-tulong kami mag-iina, sa murang edad naging responsible ang aking mga anak. Natuto sila sa mga gawaing bahay, may pagkukusa at tumutulong. Sa pagtitinda ng kakanin ay si Daniel, Vanessa at Kyla. Binebenta nila sa halagang tatlong piso upang pangdagdag sa gatas ng bunso nilang kapatid. Minsan ang aking mga anak ay nangangalakal sa basurahan, nag-iipon ng bakal at bote upang kami ay magkapera. Ako naman ay kung saan saan may magpapaupa ng labahin o maglilinis. Minsan sa gabi kami ng aking anak na lalaki ay pupunta sa dagat sa gasangan upang mang ilaw/manghuli ng pang-ulam na isda o kung madami dami ay ibebenta pambili ng bigas. MInsan maglalambat sa umaga o kumuha ng lamang dagat (shells) upang may pang-ulam at pang benta. Kung saan-saan kami humanap ng pagkakakitaan at makakain basta marangal doon umiikot ang aming buhay. Pasalamat ako malapit lamang ang paaralang elementarya sa aming tirahan kaya’t hindi ganun kalaki ang aming gastos sa pag-aaral ng aking mga anak sa elementarya.

Hanggang sa may lumapit sa aking kapit-bahay na nag alok ng trabaho, malapit lang sa amin. Sa halagang limandaang piso (500) namasukan akong taga-linis sa Tolentino Residence.  Sa halagang ito, napagtanto ko na mahalaga ang may pinag-aralan. Hindi ako nawawalan ng pag-asa, dahil alam ko lahat ay kailangan magsimula sa ibaba. May awa din ang Diyos. Lumaon ang panahon napagkakasya namin ang limang daang piso buwanan kong suweldo. Subalit may kirot sa aking puso na si John Edward at Daniel ay hindi makapagpatuloy sa high school dahil malayo ang paaralan. Batid sa karamihan sa mga kabataan dito ay hindi tapos ng sekondarya sa parehong dahilan, malayo ang paaralan at walang pambayad sa pamasahe patungo at pabalik at dahil na din sa kahirapan. Lalong nadagdagan ang bigat ng aking kalooban ng makapagtapos ng elementarya si Edelyn at Adrian. Dahil apat na sa aking mga anak ay hindi makapagpatuloy sa sekondarya dahil na rin sa walang kakayahang magpaaral. Masakit para sa magulang na mkita mo ang mga anak na nakatingin sa ibang bata na naka uniporme ng pang sekondarya na tila nangungusap na sana sila din ay makapag-aral. Gusto kong lumuha sa mga oras na iyon pero wala ako magawa kundi magdasal na sana ay bigyan kami ng pagkakataong makaahon sa kahirapan. Hanggang sa magdesisyon ang aking anak na si John Edward at Adrian na mamasukan sa ibang Probinsiya bilang magtatalyer sa Cabanatuan at si Edelyn ay namasukang katulong upang makapag-ipon para sa kanilang planong pag-aaral ng sekondarya. Si Daniel ay nanatili kasama ko at katuwang sa pag-aalaga sa mga nakababatang kapatid niya. Hindi ako napagod kumapit sa Panginoon, nagdasal ako. Hindi man ako perpektong magulang, mananatili akong ama at ina para sa kanila. Mapalad ako sa aking mga anak , bagama’t mahirap kami at salat sa buhay natuto silang maging matatag, madiskarte at may takot sa Diyos.

Taong 2010, tinupad ng Diyos ang aming panalangin, naging instrumento si Ma’am Abie, dating principal sa elementarya, na nagbukas ng oprtunidad na makapag-aral ng libre ang tatlo kong anak na out of school youth na si Daniel, Edelyn at Adrian. Si John Edward ay hindi na nakapag patuloy sa pag-aaral sapagkat siya ay nag-asawa na. Sa ilalim ng Alternative Learning System o ALS, nakapagtapos ng sekondarya ang tatlo noong taong 2011.

Muli kami nangarap na makatuntong sila sa kolehiyo. Taong 2012, nakakuha ng scholarship si Daniel sa simbahan sa pagiging lingkod ng simbahan. Naging guro siya ng katitismo. Nagtuturo sa mga bata tungkol sa pagkakaroon ng takot sa Diyos, kabutihang asal, paggalang sa magulang at tungkol sa Diyos.  Sa kabila ng kahirapan, hindi siya nagpatinag. Bagama’t salat sa pera, naglakad siya patungo at pabalik, mula sa aming tirahan patungo sa Mount Carmel College sa kabayanan na halos higit sampung kilometro ang layo. Tiniis niya ang init o kaya ay minsang pag-ulan. Tumayo akong gabay sa kanyang paglalakbay, itinago ko ang lungkot sa tuwing hindi ko mabigyan ng pambaon. Naging katuwang ko si Adrian sa pagbuo ng panggastos sa aming bigas at ulam. Naging upahan sa bundok, maglinis sa mga taniman.

Hanggang isang araw, taong 2012 ng mapasama ako sa Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps kung tawagin. Napili ako dahil isa ako sa mga pinakamahihirap na pamilya. Naging daan ito upang makapagpatuloy sa sekondarya ang tatlo ko pang anak na si Vanessa Mae, Kayla at Angela. Pambaon sa paaralan, pambili ng gamit, project at iba pa. Gayundin ang pagbibigay ng programa ng kasiguraduhang may pang-bigas kaming buong pamilya.  Dito ako nawalan ng kaba at alinlangan na wala kami isasaing sa isang araw. Sapagkat sa buwanang natatanggap namin ay akin nang inilalaan ang pambigas namin. Lalong higit ng mabigyan kami ng rice subsidy. Taong 2014, nag enroll sa college si Edelyn. Bagama’t hirap sa pera, siya ay nagsusumikap, kahit walang baon siya ay papasok sa paaralan. Upang matustusan ang pag-aaral siya ay pumasok na student assistant sa kanilang paaralan.  Taong 2015, nakuha si Edrian bilang scholar ng DSWD sa ilalim ng Expanded Students’ Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA). Kung kaya’t laking tuwa niya at siya naman ay nabigyan ng pagkakataon na makapag-aral sa kolehiyo. Agad agad niya inayos ang lahat ng kailangan documents at nag enrol sa Aurora State College of Technology (ASCOT). Si Edrian ay full scholar, wala ako alalahananin, pambayad ng tuition, pang-project at kahit allowance. Lingid sa kaalaman ng marami, ang kaniyang allowance mula sa scholarship ay pinaghahatian nila ni Edelyn upang pareho sila makapagpatuloy sa pag-aaral. Habang sila ay nag-aaral , ako naman ay nanatili sa aking pinapasukan bilang taga-linis, tumaas na din ang aking suweldo na nagsimula sa P500 hanggang sa naging P3,500. Sabi ko nga, kailangan lang talaga magtiyaga.

Taong 2018, isa sa aking mga anak ang nadapa, si Vanessa Mae, siya ay first year college ng siya ay mabuntis at ngayon ay isa ng single parent sa isa niyang anak. Dumating man ang pagsubok na ito sa aming pamilya ay hindi na katulad ng dati sapagkat kami ay naging matatag na. Nadapa man si Vanessa, nagpatuloy pa rin siya sa agos ng buhay. Bilang pamilya, kagaya ng ibong nag-aaral lumipad, minsan sumasadsad at nadadapa, minsan bumabagsak. Subalit nandito kami bilang isang pamilya. Inalalayan siya bumangon at matutong lumipad. Siya ay huminto ng isang taon para sa kanyang pagbubuntis at panganganak subalit nagpatuloy muli sa kanyang pag-aaral. Sa ngayon siya ay nasa Second Year college na.  Ako ay tumigil na din sa aking pinapasukan upang maging tagapag-alaga ng anak ni Vanessa upang siya ay mkapagpatuloy sa pag-aaral. Ang aking nakakatandang mga anak ang sumasagot sa knayang pag-aaral at iba pa naming gastusin sa tahanan. Si Kayla ay nasa Second Year college na din habang ang bunsong si Angela ay grade 12 na sa taong ito.  Si Edelyn ay nagtratrabaho bilang Junior Microfinance, si Daniel ay secretary sa DALUHAY NGO at salesman naman sa mall si Edrian.

Nang magsimula ang programa, nagsimula na din ako matuto bilang isang leader. Mahirap maging isang leader, pero kagaya din sa pamilya ang magulang dapat ay isang mahusay na leader. Sapagkat sila ang gabay at ilaw ng mga batang naglalakbay. Sa pagiging leader dapat nandiyan ang malasakit sa kapwa. Naalala ko pa noong kami ay bago pa lamang, may miyembro ako hindi marunong magsulat at magbasa. Naglalaan ako ng oras upang siya ay turuang magbasa at magsulat, Maging kaagapay din tayo ng iba. Mahirap maging leader subalit masaya kapag ako ay nakakatulong sa aking kapwa.  Ang aking pakikisalamuha sa kapwa ay lalong nahubog din sa ilalim ng programa. Kaya ko ng humarap sa maraming tao, makipag usap sa mga may katungkulan. Malaya ko na din nasasabi ang aking saloobin. Nasubukan ko din magpadaloy ng isang session ng Family Development Session sa topic na Health and Wellness. Sa patuloy na pagdalo sa FDS, nabigyang-pansin namin ang pangangalaga ng kalikasan. Kung kaya’t noong taong 2018, nagsimula kami kasama ang aking grupo at iba pang grupo mula sa aming barangay na  namumulot ng mga basura sa tabing-dagat at ilog. Ang mga maaaring ibenta ay aming iniipon upang makaipon ng pondo. Noong July 2018, mula sa aming pondo, kami ay nakapag ambag sa nutrition month ng Mariano L. Sindac Integrated School at nakapagbigay ng pagkain sa mga mag-aaral. Patuloy kami sa aming ginagawa pamumulot ng basura, paglilinis sa kailugan at tabing-dagat. Kung kaya’t noong December 2019 mula ulit sa aming pondo kami ay nakapagbigay ng food pack na nagkakahalaga mahigit limandaang piso sa limang mahihirap na senior citizen bilang pamaskong handog mula sa Pantawid beneficiary ng Zabali.  Naging tulay ang programa upang kaming mga nasa laylayan ng lipunan ay higit na mabigyang pansin ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan. Noong taong 2019, dahil sa kawalan namin ng sariling lupa ipang pagtirikan ng bahay, kami ay isa sa nabigyan ng libreng pabahay mula sa National Housing Authority (NHA), sa tulong na din ng pamahalaang lokal ng Baler. Sa ngayon ako ang president sa Ilaya Core House Association. Laking pasasalamat ko sapagkat kami ay nagkaroon ng sariling tahanan. Sa ilalim ng programa, nagkaroon din ako ng skills at natuto gumawa ng banana chips, gabi chips at camote chips. Kami ay nag aral sa ilalim ng Sustainanble Livelihood Program. Hindi lamang pagkudkod ng kamote ang aking alam, marunong na din ako guwawa ng mga chips. Dahil na rin sa kasalukuyang pandemya, naapektuhan ang aming pagnenegosyo subalit hindi ito naging hadlang upang huminto bagkus mas sinikap ko pang mas pag-ibayuhin ang paghahanap-buhay upang may pang-suporta sa pangangailangan ng pamilya. Ako ay nago-online selling katuwang ang aking mga anak, gumagawa ng graham float, nagbebenta ng halaman at nagtatanim ng mga fruit-bearing trees tulad ng apple, peras, at grapes upang may maibenta at maging pera. Minsan pa’y namumulot ng seashells sa gasangan upang ilako at maibenta at may maipang-ulam na rin.

Nagsimula kami sa tinatawag nilang survival level na antas ng pamumuhay, kaya kami napili sa programa at noong taong 2015, ang aking pamilya ay kasama na sa subsistence level. Ngayong 2019, naging ganap ng self-sufficient na pamilya o kaya ng tumayo sa sariling mga paa. Salamat sa programa dahil ako ay tila isang ibon na minsan ay nasadsad, nawalan ng direksiyon at nais ng sumuko. Subalit binigyan ako ng Diyos ng aking kaagapay upang tulungan ako ibuka at iwasiwas ang aking mga pakpak, at patatagin ang aking mga paa upang magkaroon ng lakas at sandata sa mga hamon sa buhay. Sa ngayon, hindi na ako kagaya ng isang ibon na nawalan ng pakpak at hindi makalipad sapagkat ganap na akong agila na may matibay na pakpak, matatag na paa at handa sa hamon ng buhay. Salamat sa programa na naging tulay, gabay at aking naging kaagapay.

Kaakibat ng buhay ang pagsubok, problema, pagkadapa at hindi masasayang pangyayari. Subali’t hindi doon natatapos ang ating buhay, may Diyos tayong masasandalan, sabayan ng pagsusumikap at pagtutulungan ng pamilya at pagmamahalan. Ang buhay ay isang mahabang paglalakbay, ang aking baon ay pag-asa at pananalig sa Diyos. ###