Pagbabahagi ni Freda Rafael mula sa Galimuyod, Ilocos Sur
“Mahirap maging mahirap” – katagang hanggang sa ngayon ay akin pa din napapakinggan. Ngunit mahirap nga ba ang maging mahirap? Sa aking pananaw ay hindi. Dahil mas mahirap kapag sa buong buhay mo, wala kang gagawin at mananatili ka na lamang bilang isang mahirap, habang-buhay. Ako si Freda Daligdig Rafael at ito ang kwento ng aming pamilya bilang isang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Isa akong solo parent at hindi kailanma’y ninais na maging isang solo parent. Ngunit alam ko na sa kamay ng ating Ama ay payapa na siya. Si Allan Del Rosario Rafael, ang aking napangasawa. Sa aming pagsasama, nabiyayaan kami ng tatlong anak, dalawang lalake at isang babae. Si Mark Aldrin D. Rafael ang panganay, labing-pitong taong gulang. Ang nag-iisang prinsesa at pangalawa sa kanila ay si Mariah Anne D. Rafael, labing-limang taong gulang. Ang pangatlo at bunso ay si Jeremy Alfred D. Rafael, labing-isang taong gulang.
Taong 2011 noong kami’y napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Hindi naging madali ang pamumuhay namin noon bago pa man kami naging parte ng programang ito. Tatlo ang aking anak at lahat sila ay nag-aaral at benepisyaryo ng naturang programa. Mahirap kapag wala kang inaasahan at mapagkukunan ng pantustos sa kanilang pangangailangan. Hindi naging sapat ang kaunting kita ng aking asawa sa pamamagitan ng pamamasada ng tricycle. Determinado ang aking mga anak na makapagtapos kahit alam nila na hindi sapat ang kinikita ng kanilang ama. Kailangan pa din nilang mag-aral kahit anu’t ano pa man.
Magmula noong naging parte kami ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, hindi namin inakala na maraming opurtunidad ang magbubukas sa amin. Isa na rin dito ang Sustainable Livelihood Program ng DSWD na nagbigay sa mga benepisyaryo ng 4Ps ng oportunidad para sa mga gustong maging security guard noong taong 2016. Hindi nagdalawang-isip ang aking asawa at noon ay tinanggap niya ang pagkakataong ito para siya ay matulungang magkaroon ng trabaho. Nakapasok siya bilang isang roving security guard sa Pagudpud, Ilocos Norte simula J2017 hanggang 2019. Kahit na mahirap na mapalayo siya sa amin ay kinaya namin dahil alam naming mag-iina na para sa amin din iyon.
Hanggang sa kasalukuyan, parte pa rin ng programang aming kinabibilangan ang pagkakaroon ng Family Development Session o FDS at Youth Development Session o YDS na aming dinadaluhan buwan-buwan. Ito ay napakahalaga dahil sa mga aral na aming natututunan na nakatutulong sa aming pamumuhay. Marami ring aktibidad sa aming komunidad na amin ng nasalihan sa tulong ng programa tulad na lamang ng tree-planting, brigada-eskwela, operasyon-taob at marami pang iba. Hindi kami tumutulong dahil parte lamang ng pagiging miyembro namin ng 4Ps bagkus ay kagustuhan naming tumulong kahit na sa kaunting paraan ay magkaroon din kami ng parte para sa ikauunlad ng aming komunidad.
Sa likod ng mga oportunidad, magagandang balita at biyayang dumarating sa amin bilang miyembro ng 4Ps, hindi namin lubos akalain na magkakaroon kami ng napakabigat at napakasakit na suliranin. Taong 2019 para kaming binagsakan ng langit sa hindi namin inaasahang pagpanaw ng haligi ng aming tahanan. Naaksidente ang aking asawa patungo sa kanyang trabaho at ang napakahirap ay nasa malayo siyang lugar. Naranasan namin ang labis na lungkot at sakit ng kanyang biglang pagkawala.
Mahirap ang maging isang solo parent. Naitataguyod ko ang aking mga anak mula sa insentibong aking natatanggap bilang Barangay Nutrition Scholar (BNS) sa aming barangay at Ilocos Sur Citizen Involvement Services (ISCIS) ni Gov. Ryan Singson, bilang letter sender o taga-hatid sulat galing sa kapitolyo. Kasama ko rin ang aking anak na babae na nag-oonline selling. Kami ay nagtutulungan sa negosyong ito lalung-lalo sa pagdedeliver ng mga orders lalo na sa panahon ngayon kumikita naman kami kahit kaunti dahil sa maraming nag-oorder ng facemask at face shield. At ang aking anak na panganay ay nag-eekstra sa water refilling station dito sa aming barangay bilang tagalinis ng mga plastic bottle.
Marami mang pagsubok ang dumating, hindi kami sumuko bagkus nagpatuloy sa buhay dahil sa gitna ng aming pinagdaanan, maraming kamay pa rin ang nag-abot sa amin upang kami’y bigyan hindi lamang sa tulong pinansiyal kundi pagbibigay ng pag-asa, katatagan at lakas ng loob. Nandiyan din ang DSWD sa pamamagitan ng kanilang programa na Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), nakatanggap kami ng burial benefit para sa yumao kong asawa. At higit sa lahat, alam ko nandiyan ang Panginoon, na kailanma’y hinding hindi kami pababayaan dahil higit ninuman, Siya at Siya lamang ang aming sandigan.
Sa bawat araw na dumaan, lalong pinaghihigpit ng tadhana and aming samahang mag-iina. Unti-unti na kaming bumabangon katuwang ang programa. Sinusubukan naming kumita ng pera kahit sa simple lamang na paraan kasama ang aking mga anak upang sa gayon ay may mapagkukunan kami ng pantustos sa aming pangangailangan. Nagtutulong-tulong sa lahat ng mga gawain at obligasyon sa bahay. Hawak kamay naming sinusuong lahat para kami’y makaangat.
Tuwa na may halong lungkot ang aking naramdaman ngayon dahil sabay-sabay sanang magmamartsa sa entablado ang aking mga anak ngayon ngunit dahil sa pandemyang ating kinakaharap ay naudlot. Sa kabila ng lahat ng pagsubok sa amin, sa kahirapan man ng buhay, ipagpapatuloy pa rin namin, ng mga anak ko ang kanilang pag-abot sa kanilang pangarap. Kasama ang Panginoong Hesus at ang paggabay ng aking butihing asawa, aabutin nila ito unti-unti at mapatatagumpayan. Ang pagsusumikap at paglaban sa buhay ang kanilang iaalay para sa kanilang pinakamamahal na ama.
Sa kasalukuyan, masasabi kong malaki na ang pinagbago ng aming buhay dulot ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Hindi gaya ng dati na prinoproblema ko kung saan ko kukunin ang panggastos namin araw-araw at sa pag-aaral ng aking mga anak. Patuloy pa rin ang mga oportunidad para sa aking mga anak na maibahagi ang kanilang galing at talino sa tulong ng programa. ###