Libacao, Aklan— Sa ginanap na Ani 2024, kung saan 115 na mga pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nagsipagtapos mula sa Libacao, ibinahagi ni Alma Carlos Esto, anak ng grantee at ngayon ay isa nang guro sa Dalagsaan, ang kanyang mga saloobin at binigyang-diin na ang pagtatapos sa programa ay pagbubukas ng pintuan ng pag-asa at isang oportunidad upang magsimula ng panibagong kabanata ng kanilang buhay.

 “Mahalaga na tandaan natin na mahirap abutin ng mga anak ang kanilang pangarap na walang suporta mula sa magulang at mahirap din abutin ng magulang ang pangarap para sa anak na wala silang pagsisikap, tiwala at pananalig sa Dios,” pahayag ni Esto.

Matapos ang ilang taon ng suporta mula sa programa, naging bahagi ng kultura ng komunidad ang pangarap at pag-asa. “Mangarap kayo at lahat ng pangarap na iyon ay pagtulungan ninyong abutin,” dagdag pa niya.

 Sa pagtatapos ng 4Ps, muling binuksan ang pintuan para sa bagong mga oportunidad at pagbabago. Binigyang-diin ni Esto na hindi dapat nakadepende ang pang-araw-araw na buhay sa 4Ps, bagkus ay dapat maging hamon ito na pagbutihin pa ang sariling kakayahan.

“Ipakita natin na hindi nakadepende sa 4Ps ang ating pang araw-araw,” aniya.

Nagpasalamat din si Esto sa programa sapagkat sa tulong nito, natulungan ang kanyang mga magulang at kapatid. “Napakalaking tulong sa amin dahil ang cash grant ng aming mga magulang ay natustusan ang pang-araw-araw na pagpasok sa eskwelahan ng aking mga kapatid dito sa bayan,” pagbabahagi niya.

Hindi lamang daw sila ang naging benepisyaryo, kundi marami pang pamilya ang nagkaroon ng pag-asa at nangarap na makaahon sa hirap. “Sa ngayon, parami ng parami ang nagiging propesyunal sa liblib na lugar lalong lalo na doon sa amin,” sabi niya.

 

Sa inyong pagtatapos bilang benepisyaryo, ipinapakita ninyo na sa tamang suporta at determinasyon, posible ang pag-angat mula sa kahirapan.  Naniniwala ako na hindi lamang ang mga anak ang natulungan kundi pati na rin kayong mga magulang dahil sa regular na pagdalo ng mga Family Development Sessions (FDS).

Ang pagtatapos sa programa ay hindi katapusan ng mga benepisyong mula sa pamahalaan kundi isang pagbubukas ng mga bagong oportunidad at pag-asa. Bukod dito, ipinapakita natin na ang hirap ay hindi hadlang sa pag-abot ng pangarap, kundi isa itong hamon na dapat lampasan upang makamit ang tagumpay.

Ang mga nagsipagtapos na mga benepisyaryo ay na i-endorso na ng DSWD 4Ps sa kani-kanilang mga Local Government Units (LGU) bilang bahagi ng Aftercare Program.

Layunin ng Graduation Ceremony na kilalanin ang mga pamilyang pantawid na umabot na sa level 3 o self-sufficiency ang lebel ng pamumuhay at wala ng eligible na mga batang sinusubaybayan. Isinasagawa ito bilang bahagi ng Kilos-Unlad (KU) Framework na ginagamit ng 4Ps. Ang KU Framework ay ang pitong-taong social case management strategy na gabay sa pangangalaga sa mga benepisyaryong pamilya ng 4Ps tungo sa pagpapaunlad ng kanilang buhay, hudyat ng kanilang paglabas sa Programa at pagbibigay ng pagkakataon sa iba pang mga mahihirap na pamilyang Pilipino na mapabilang sa Programa.