Quezon City, Philippines – Nakipagpulong si Kalihim Rex Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Samahan ng Nagkakaisang Pamilya ng Pantawid (SNPP), sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Angela Tubello, nitong Huwebes, Abril 20 sa DSWD Central Office.
Layunin ng pagpupulong na ito na pag-usapan at tugunan ang mga suliranin na inihain sa kanila ng kanilang mga ka-grupo at kapwa benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) . Sinabi ng Kalihim na lahat ng kanilang mga inilahad na problema ay natanggap ng Kagawaran at gagawan ng kaukulang aksyon batay sa mga alituntunin ng 4Ps.
Binigyang diin ng Kalihim ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng mga grupo ng mga benepisyaryo ng mga programa ng DSWD upang maging matagumpay ang programa. Hinimok ng Kalihim ang SNPP na tulungan ang Ahensya para maiparating ang tamang proseso ng paghahatid ng reklamo ng mga benepisyaryo gamit ang iba’t-ibang paraan na itinakda ng Grievance Redress System ng programa.
Nangako ang Kalihim na bukas ang kanyang tanggapan para sa regular na pakikipag-usap sa SNPP.
Kasama din sa pagpupulong ang ilang matataas na opisyal ng DSWD kabilang sina Undersecretary Vilma Cabrera; Assistant Secretary Evelyn Macapobre; Assistant Secretary Marites Maristela at si Director Gemma Gabuya, ang National Program Manager ng 4Ps. Ang pakikipagpulong na ito ay naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr na linisin ang mga listahan ng mga benepisaryo ng mga programa ng gobyerno upang masiguro na tanging mga kwalipikado lamang ang mapapabilang dito.
Patuloy na paiigtingin ng DSWD ang ugnayan nito sa iba’t ibang sektor upang lalo pang mapalakas ang mga programa nito laban sa kahirapan. ###