Quezon City – “Napakahirap ang walang pera dulot ng walang pinagkakakitaan. Ito ang malaking sagabal sa kagustuhan mong magbigay ng pangangailangan ng mga anak lalo na sa pagkain. Sa ganitong sitwasyon, masakit sa kalooban pero wala akong magagawa dahil sa kawalan,” pagbabahagi ni Ginang Susan Ortecio ng Mondragon Northern Samar patungkol sa kanilang pamumuhay bago sila napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Dating pagsasaka ang pangunahing pinagkakakitaan ng Pamilya. Upang madagdagan ang kita, pinasok ng kaniyang asawang si Pablo ang pagiging karpintero. Samantala, si Susan naman ay nagtitinda paminsan-minsan ng mga pagkain at abala sa gardening upang matulungan ang asawa sa mga pang araw-araw nilang pangangailangan. Ngunit sa kabila ng ibayong pagsisikap, sila ay nakararanas pa rin ng kahirapan.
Taong 2008, naging 4Ps beneficiary ang Pamilya Ortecio. Naramdaman ng Pamilya na ang Programa ang tutulong sa kanila upang makaahon mula sa kahirapan. Maayos na ginamit ni Susan ang cash grant na natatanggap mula sa Programa. Lagi nilang inuuna ang pangangailangan ng kanilang dalawang anak, partikular sa kanilang pag-aaral. Kung mayroong extra ay kanila itong itinatabi bilang savings upang may magagamit sa panahon ng emergency. Kalaunan, ito ay kanilang ginamit para puhunan sa pagpapatayo ng sari-sari store.
Ibinahagi rin ni Susan na marami siyang natutunan mula sa Family Development Sessions (FDS) na kanyang ginamit bilang gabay sa pagpapabuti ng kanyang Pamilya. Natutunan niya ang kahalagahan ng family relationship, livelihood, financial literacy at pagiging self-reliant.
Naging mapalad din ang Pamilya Ortecio na makapag-avail ng seed capital o puhunan mula sa Dunganon microfinance at employment facilitation.
Dahil sa kanilang patuloy na pagsusumikap at gabay mula sa 4Ps, nakapagtapos sa kolehiyo ang kanilang panganay na anak na si Evelyn at kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang private tutor. Samantala, ang bunsong anak na si Maricel ay nakatapos din ng senior high school.
Lumago at kumikita na ang kanilang sari-sari store na napagkukunan nila ng pang-araw-araw na pangangailangan. Ang Pamilya ay naniniwala na kaya na nilang tumayo sa sariling mga paa, kung kaya’t sila ay nagboluntaryo at masayang nag-graduate o nag-exit sa Programa noong taong 2022. Ang graduation/exit procedures ay isinasagawa upang opisyal na ieendorso sa lokal na pamahalaan ang mga paalis nang benepisyaryo sa Programa upang ipagpatuloy ang paggabay sa kanila nang hindi na muli pang bumalik sa kahirapan.
Ito ay isinasagawa sa ilalim ng Convergence Framework at ng 4Ps Kilos-Unlad Framework na naka-angkla sa DSWD Social Case Management Strategy. Bago mag-graduate o mag-exit ang benepisyaryo, sila ay dumaan sa assessment at nasuri na sila ay nasa antas Level 3 “Self-Sufficient” o may kakayahang makapag-sarili. Ang mga pamilyang kabilang sa antas na ito ay kaya nang tugunan ang kanilang pangunahing pangagailangan kagaya ng pagkain, edukasyon, tirahan, pananamit at iba pa. Sila rin ay mayroon nang sapat na kita at kakayahang matugunan ang mga pangangailangang ito.
Ang tagumpay ng mag-asawang Pablo at Susan na mapabuti at mai-angat ang estado ng kanilang pamumuhay ay indikasyon na nagtagumpay din ang Programa sa pamamagitan ng tulong ng lokal na pamahalaan, mga ahensya ng gobyerno, at mga partners mula sa pribadong sektor sa patuloy na pagpapabuti ng buhay ng mga paalis at kasalukuyang mga benepisyaryo.#