Quezon City – “Ngayong graduate na ang aming pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) malaki ang pasasalamat namin dahil marami itong naitulong na maganda kung saan man kami ngayon. Naging kaagapay namin ang Programa sa mga oras na walang-wala kami noon. Sana marami pang pamilya na tulad namin ang matutulungan pa ng Programa. Sa mga kapwa ko benepisyaryo, laging gamitin sa tama ang ‘cash grants’ para tulad namin ay maging matagumpay at makaahon din kayo sa kahirapan. Sa kasalukuyan, nandito ako sa Abu Dhabi para magbakasyon sa aking anak na nagtatrabaho ditto.” Pagbabahagi ni Ginang Elsie Apaitan Cawaling, mula sa Bilao, Sapian, Capiz, dating benebisyaryo ng 4Ps.
Taong 1986, nang magkakilala si Elsie at ang kanyang asawa na si Eduardo. Masaya ang kanilang pamilya kahit mahirap ang pamumuhay. Pansamantala silang nanirahan sa kanyang biyenan dahil wala pa silang sariling tirahan. Si Eduardo ay nagtatrabaho sa kabilang bayan at minsan lang umuuwi ng bahay kaya minsan ay may kaunting sigalot sa pagitan ng kanyang biyenan na babae at mga kapatid nito.
Dahil ayaw niya ng gulo nagdesisyon siyang umalis sa bahay ng kanyang biyenan at sa kabukiran sila gumawa ng bahay at nagsimulang mangarap.
Nagtrabaho silang mag-asawa sa bukid upang matustusan ang kanilang pangangailangan. Sa paglipas ng panahon, nagkaroon sila ng limang anak at napagdesisyunan nilang bumaba sa bayan. Nagpatayo sila ng tindahan at karinderya pero hindi nagtagal pinaalis rin sila sa lugar dahil gagamitin na ng may-ari ang lupa. Nakahanap sila ng matutuluyan sa isang bakanteng lupa at para matustusan ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan, pinasok ni Elsie ang pagiging manikurista.
Taong 2009, napabilang ang kanilang pamilya sa 4Ps. Naging malaking bagay ang grant na kanilang natatanggap upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga anak sa pag-aaral. Sa pamamagitan ng Family Development Session (FDS) namulat sila sa mga karapatang pantao, pagpapahalaga ng kalusugan at pamamahala ng mabuti sa kanilang kinikita. Sa pamamagitan din ng Youth Development Session (YDS), maraming natutunan ang kanilang mga anak; kagaya ng kung paano maging mabuting mamamayan at maging mabuting anak na may takot sa Diyos sa pamamagitan ng values formation na itinuturo sa kanila ng kanilang Pastor bilang partner ng Programa. Natutunan din ng kanilang mga anak ang mga pagbabago sa physical at emotional na aspeto ng tao.
Sa pamamagitan ng mga nagbukas na oportunidad dahil sa Programa at sa pagsisikap nilang mag-asawa, naitaguyod nila ng mabuti ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Araw-araw gumigising silang mag-asawa ng alas dos ng umaga upang makabili at magbenta ng sugpo at alimango sa iba’t ibang bayan ng Capiz. Hindi naglaon nakapagtapos na ng pag-aaral ang kanilang mga anak.
Sa ngayon, ang nakakatanda nilang anak ay Criminology graduate at kasalukuyang nagtatrabaho bilang Militar, habang ang kasunod ay nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management at nagtatrabaho sa ibang bansa. Ang ikatlo naman ay nakapagtapos ng Bachelor of Science in Education at nasa ibang bansa na din. Ang ika-apat na anak nila ay nakapagtapos ng Bachelor of Science in Criminology at kasalukuyang nagtatrabaho sa Bangko Sentral ng Pilipinas, Capiz Branch. Ang ika-limang anak naman ay nakapagtapos ng Bachelor of Science in Electrical Engineering at nagtatrabaho sa Comit Telecom sa Iloilo City habang ang bunso ay kasalukuyang nag-aaral ng 1st year college at kumukuha ng Bachelor of Science in Civil Engineering sa Capiz State University.
Ang pamilya ni Nanay Elsie ay kasama sa mahigit 6,000 pamilya sa Sapian na nagtapos sa Programa noong April 6, 2022, pagkatapos nilang mag boluntaryong lumabas sa Programa noong 2021 dahil sa pag-unlad na ng kanilang pamumuhay. Ang mga benepisyaryo ng 4Ps ay patuloy na ginagabayan at pataasin ang kanilang kaalaman at kasanayan upang maitawid ang kanilang pamilya sa mas maayos na pamumuhay at hindi na muli babalik sa kahirapan.#