Quezon City – Kahanga-hanga ang mga talento ng animnapu’t tatlong (63) kabataang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nagpahayag ng kanilang mga mensahe sa pamamagitan ng paglikha ng mga posters sa ginanap na Araw ng Kabataan (ANK) noong ika-30 ng Nobyembre bilang pagtatapos sa pagdiriwang ng National Children’s Month na ipinalabas sa pamamagitan ng 4Ps official Facebook account.
Ang kani-kanilang obra maestra ay umikot sa temang “Bata, Batas: Alamin, Lumikha at Magpamalas” na kanilang ginawa at isinumite bago ang takdang araw ng pagdiriwang. Bukod sa tema, ang mga kalahok ay hinikayat na ipamalas sa kani-kanilang posters ang kahalagahan ng Programa at paano ito nakatulong sa kanilang buhay at sa pagbuo ng kanilang mga pangarap, mga hamon at pakikibaka na nararanasan at pamamaraan upang mas mapabuti pa ang Programa.
Bukod sa pagpapahalaga sa mga obra maestra ng mga kalahok, nagkaroon din ng maikling talakayan tungkol sa Karapatan ng mga bata na ipinaliwanag ni Mikee Untal, Administrative Officer ng Family Development Division ng 4Ps. Tinalakay naman ni Ginoong Jimmy Francis Schuck III, OIC Deputy Program Manager for Support at concurrent Division Chief ng Planning, Monitoring, and Evaluation Division ng 4Ps ang tungkol sa 4Ps Act.
Sa pamamagitan ng video message, ibinahagi ni Ginoong Romnick Toledo, Information Officer ng DSWD Social Marketing Service ang ukol sa Arts-for-Development kung saan binigyang-diin niya ang paggamit ng sining bilang instrumento sa mabisang pagpapahayag ng saloobin o kaisipan.
Samantala, ang naging National Winner ng Pantawid Pamilya Exemplary Child noong 2013 na si Shemaiah Pineda ay nagbahagi ng karanasan kung paano niya nakamit ang kanyang pangarap sa tulong at gabay ng 4Ps. Sa kasalukuyan siya ay nakapagtapos na ng Civil Engineering sa Technological Institute of the Philippines with Academic Distinction. Ngayon ay naghahanda na sya para sa kaniyang pagkuha ng licensure examination sa 2023.
Ang ginanap na ANK ay naglayong maisapuso at maisabuhay ng mga batang benepisyaryo ng 4Ps ang kahalagahan ng Programa sa paglinang ng sarili bilang isang indibidwal; pataasin ang kanilang kamalayan at magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa batas na may kaugnayan sa Programa at sa karapatan ng mga bata.
Alinsunod sa Republic Act No. 10661, idineklara ang buwan ng Nobyembre bilang “National Children’s Month”. Ang pagdiriwang na ito ay naglalayong kilalanin at bigyang-diin ang mga mahahalagang gampanin ng mga bata sa loob ng pamilyang Pilipino at sa lipunan. Ginugunita rin sa buwang ito ang pagpapatibay sa Convention on the Rights of the Child ng United Nations General Assembly na ginanap noong November 20, 1989.
Ang 4Ps ay naniniwala sa kahalagahan ng pamumuhunan ng pamahalaan para kapakanan ng mga bata at pagbibigay sa kanila ng ligtas na kapaligiran – mensaheng ipinararating ng Programa sa iba’t-ibang Gawain at platform. Ang 4Ps ANK ay nakikiisa sa pagdiriwang ng “National Children’s Month” taun-taon bilang adbokasiya na para sa isang mabuting kinabukasan ng mga batang benepisyaryo ng 4Ps.#