Ang buong pamunuan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan o DSWD ay kasalukuyang isinasagawa sa buong bansa ang balidasyon sa mga sambahayang benepisyaryo kaugnay sa mga natukoy na non-poor o hindi na mahihirap batay sa Listahanan 3. Kasabay nito ang pansamantalang pagpatigil ng pagbibigay ng cash grants mula P3 (July-August) sa mga nasa Listahanan na hindi mahihirap para maiwasan ang pagbayad sa mga hindi na dapat makatanggap ng cash grants.
Ang isinasagawang balidasyon ay paraan para masiguro na ang mga kwalipikadong sambahayan ay mananatiling benepisyaryo ng Programa, samantalang tuluyan nang maalis ang mga sambahayang nakitang hindi na mahirap. Ito ay upang magbigay-daan sa iba pang kwalipikadong mahihirap na sambahayan na mapabilang sa Programa.
Sa pagproseso ng balidasyon, kasabay ding isinasagawa ang pagtutugma ng datos ng Listahanan 3. Ang mga makikitang hindi na mahihirap ay agad irerekomenda ng Programa na mag-exit.
Buong pwersa at ginawang prayoridad ng 4Ps ang balidasyon para mabilisang malaman ang buong bilang ng hindi na mahihirap na matatanggal sa Programa at maisagawa na rin ang pagproseso ng pagrehistro ng mga bagong kwalipikadong sambahayang benepisyaryo.
Ang mga nakitang hindi na mahihirap na sambahayang benepisyaryo sa Listahanan ngunit sa isinagawang balidasyon ng Programa ay mahihirap pa rin ay hinihikayat na magsampa ng apila sa Listahanan para ito ay kanilang maaksyonan at hindi matanggal sa Programa.
Ang Batas Republika Blg. 11310 or 4Ps Act ay malinaw na isinasaad na tanging mga mahihirap na sambahayan lamang ang kwalipikadong maging miyembro ng Programa at ito ay pinipili mula sa Listahanan.
Hinihikayat ng 4Ps ang lahat ng sambahayang benepisyaryo na makipagtulungan sa lahat ng mga manggagawa ng DSWD-4Ps na nagsasagawa ng balidasyon para masiguro ang kalinisan at integridad ng database ng 4Ps. ###