Quezon City – Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ay lubos ang pakikiisa at pagpapahalaga ng pagpapalaganap ng selebrasyon ng Family Week na ipinagdiriwang tuwing huling linggo ng Setyembre. Kasabay ng pagdiriwang na ito, ay inilunsad din ang 4Ps Family week na may temang, “4Ps: Pangarap at Pag-asa Tungo sa Pag-unlad ng Pamilya”.
Sa pagdiriwang ng 4Ps Family Week, ginanap sa unang araw, ika-27 ng Setyembre ang pagbubukas ng exhibit sa DSWD Central Office Main Lobby na pinangunahan ni Direktor Gemma Gabuya. Kasama sa pagbubukas ng nasabing exhibit sina Undersecretaries Jerico Francis Javier, Maria Salome Navarro; Assistant Secretaries Florentino Loyola Jr., Diana Rose Cajipe; Director Maricel Deloria ng Program Management Bureau (PMB), at Director Wayne Belizar ng Finance and Management Service (FMS).
Ang exhibit na ito ay nagtatampok ng mga nanalong kwento sa “Salaysay ng Buhay ng Pamilyang Pantawid” kung saan ipinapakita ang mga kwentong tagumpay ng mga benepisyaryo ng Programa na kanila mismong sinulat. Ang kanilang paglalahad bilang mga benepisyaryo ng 4Ps ay may temang Pag-asa, Pangarap at Pag-unlad. Layunin ng patimpalak na ito na bigyan ng boses ang mga benepisyaryo ng 4Ps upang ibahagi ang kanilang mga kwento ng pagbangon mula sa kahirapan. Ang salaysay ay nahahati sa tatlong kategorya: kwento ni Tatay, salaysay ni Nanay, at sa mata ng Bata.
Samantala, ang mga nanalong mga kwento ay paparangalan sa ika-28 ng Setyembre sa ganap na ala-una ng hapon at mapapanood ng live sa official Facebook Page ng 4Ps. Ito ay pangunguahan ni Kalihim Erwin T. Tulfo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa pagtatapos ng isang linggong selebrasyon, may mahigit na 90 na pamilyang benepisyaryo naman ng 4Ps ang dadalo sa ika-30 ng Setyembre upang pag-usapan naman ang paghahanda sa mga pamilyang gagagradweyt na mula sa programa dahil sa pagtaas ng antas ng kanilang pamumuhay. Dito ibabahagi sa kanila ang ilang mga programa at serbisyo na mayroon ang iba’t-ibang ahensya ng pambansang pamahalaan, lokal na pamahalaan at pribadong sektor. Inaasahan ding dadaluhan ang pagtitipong ito ni Kalihim Tulfo.
Ang pagdiriwang ng 4Ps Family week ay umiikot sa kwentong tagumpay ng mga Pamilyang Pantawid sa tulong ng programa at iba’t ibang partners nito. Layunin din nito na lubos na maintindihan ng mga benepisyaryo ang kahalagahan ng pagpapatibay ng relasyon sa pamilya.#