Pagbabahagi ni Francisca A. Servidor mula sa Tuburan, Cebu

Nagsimula ang lahat sa isang masayang pagdiriwang. Doon ko nakilala ang taong nakabihag ng aking puso. Siya ang naging dahilan ng mga ngiting abot hanggang tenga at mga matang kumikinang sa tuwa at saya. Kami ay nagkasama at kalauna’y nabiyayaan kami ng apat na anak.

Payak lang ang aming pamumuhay pero punong-puno ng pagmamahal, pagkakaisa, at respeto sa isa’t isa.

Isang araw dumating ang problemang nagpabago ng aming buhay. Nagkaroon ng isang matinding karamdaman ang aking asawa. Nagpunta kami sa ospital at nalaman naming colon cancer ang kanyang dinaramdam. Nagpabalik-balik kami sa ospital hanggang sa naubos ang aming pera, pati na ang aming ipon na nakalaan sana sa edukasyon ng aming mga anak. Kasabay pa ng pangyayaring iyon ay kailangan ng magbayad ng matrikula para makapag-enroll na ang aking anak sa kolehiyo.

Nalilito na ako kung ano ba ang dapat kong gawin. Araw-araw, nakikita kong namimilipit na sa sakit ang aking asawa. Habang ang mga anak ko naman ay nangangailangan din ng pag-aaruga.

Minsan sa isang araw, isa o dalawang beses lang kami makakain dahil kapos na kami sa pera. Sobra akong nalulungkot at nahihiya sa aking sarili. Minsa’y natanong ko ang aking sarili, “bakit sa lahat ako pa? Bakit ang pamilya ko pa? Ano bang kasalanan ko para mangyari ito sa akin?” Nagsimula na akong magalit at mawalan na ng tiwala sa aking sarili ngunit may isang taong nagpaalala sa akin na ang lahat ng bagay na nangyayari sa buhay natin ay isa lang pagsubok na kailangan nating lagpasan pero dapat nating isipin palagi, na hindi man natin Siya nakikita o nahahawakan andyan lang Siya palagi handang umalalay at tumulong sa atin. Kailangan lang natin Siyang tawagin.

Nabuhayan ako ng loob na magpatuloy kahit na mahirap. Napilitang tumigil sa pag-aaral ang panganay naming anak para matustusan ang pagpapagamot sa kanyang ama at pag-aaral ng kanyang kapatid. Nagpabalik-balik pa rin kami sa ospital hanggang sa hindi na kinaya  ng aking asawa. Nalugmok kaming lahat sa kanyang paglisan.

Lubha akong nahirapan bilang mag-isa na lang akong magtataguyod sa aking mga anak. Pumapatak ang luha sa aking mga mata habang nakikita ko ang aking mga mga anak na nahihirapan. Hindi ako makatulog nang maayos sa gabi sa kakaisip kung paano ko bubuhayin ang aking mga anak ngayong wala na ang aking asawa. Ang dating masayang ngiti ay napalitan ng luha’t pighati.

Kinailangan kong maging matatag para sa aking mga anak, sa aking sarili, at para na rin makamit ko ang pangarap naming mag-asawa na makapagtapos ng pag-aaral ang aming mga anak.

Dumating ang malaking biyaya, at salamat sa ating Panginoon dahil natupad na ang aking hiling. Napabilang ang aming pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Paunti-unti ay umayos ang takbo ng aming pamumuhay. Nakakakain na kami ng tatlong beses sa isang araw, nabibigyan ko na ng  vitamins ang mga anak ko, at nakakabili na rin kami ng mga gamit nila sa eskwela. Napupunan ko na ang pangangailangan ng mga anak ko pero kailangan ko pa ring kumayod para matupad ko ang pangarap namin.

Kung hindi dahil sa benepisyo ng 4Ps, sa mga Family Development Sessions (FDS) nito, at kasabay ng panalangin at pagtitiyaga, hindi namin makakamit ang nakamit namin ngayon.  Kasama sa oportunidad na dala ng 4Ps ay ang ibat ibang programang lubos na pinakinabangan ng aking pamilya. Para maibsan kahit paano ang kalungkutan na nadarama namin dahil sa pagkawala ng aking asawa ay ginugol ko ang aking oras sa pag-aalaga sa aking mga anak at pagsali sa iba’t ibang programa ng DSWD.  Naging Sustainable Livelihood Program (SLP) participant-beneficiary ako ng aming barangay. Nang dumating din ang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDDS) sa amin na nagbigay din ng solusyon sa problema ng aming barangay, labis akong natuwa sapagkat ako’y naging parte nito at isa sa mga naging community volunteers.

Nag-aaral pa rin ang mga anak ko at patuloy na umuunlad ang aming buhay. Lalo akong tumatatag sapagkat andiyan ang aking mga anak.#

 

Kung hindi dahil sa benepisyo ng 4Ps, sa mga Family Development Sessions (FDS) nito, at kasabay ng panalangin at pagtitiyaga, hindi namin makakamit ang nakamit namin ngayon.