Pagbabahagi ni Marietta Banalo mula sa Taguig City
Ako si Marieta M. Banalo, 53 years old, isang solo parent na may anim na anak. Sa anim kong anak, tatlo sa kanila ay pipi at bingi. Sa kasalukuyan, kami ay nakatira sa PNR Site, Taguig City.
Sa edad na 22 years old ay nag-asawa na ako at kami ay ikinasal noong 1994 sa Tarlac. Nabiyayaan kami ng anim na anak. Sa simula ay naging maayos naman ang pagsasama namin at tila larawan kami ng isang masayang pamilya. Driver ang aking asawa kaya “sweet lover” daw.
Subalit lumipas ang taon at nagkaroon kami ng problema. Nagbago ang aking asawa. Para bang lulubog-lilitaw na lamang at minsa’y matagal bago umuwi ng bahay. Away-bati kami noon. Magulo na rin ang aming pagsasama at hindi kalaunan ay napapagod na ako sa paulit-ulit na sitwasyon.
Hiniwalayan ko ang aking asawa matapos ang ilan pang paulit-ulit na away. Maliliit pa ang aking mga anak noon at hindi ko alam kung papaano ko sila bubuhayin. Sobrang hirap dahil ang pinagkakakitaan ko lang ay ang aking paglalabada at pagiging kasambahay. Nagbibinata na noon ang dalawa kong anak na lalaki at naiintindihan na nila ang aming sitwasyon. Kaya naman nangalakal sila at nag-drive ng sidecar upang makatulong sa akin para sa gastusin araw-araw dahil lahat sila ay nag-aaral.
Sobra akong nahihirapan dahil ang tatlo kong anak ay may kapansanan. Minsan na ring sumagi sa isip ko na ipapaampon na lang sa iba ang maliliit kong anak, pero nanaig ang puso ko bilang isang ina at ayaw kong mawalay sa akin ang mga anak ko.
Hanggang sa taong 2009, dumating ang Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) sa aming buhay at naging benepisyaryo kami ng programa. Naging Parent Leader ako at biglang parang nabunutan ako ng tinik sa lalamunan. Naging katuwang ko sa buhay ang programa at na-train pa ako bilang isang lider. Dahil dito ay naramdaman kong mayroon akong kakampi at kaagapay sa buhay. Gumaan ang aking dala-dalang pasanin at naging positibo ako sa lahat ng bagay at usapin. Naging malakas at matatag ako sa lahat ng hamon sa buhay.
Maraming pagbabago ang naitulong ng programa sa pamilya ko. Nakapagtrabaho ako ng anim na buwan bilang isang street sweeper sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamamagitan ng 4Ps at Sustainable Livelihood Program (SLP) na isa ring programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Nakakuha rin ako ng puhunan mula sa SLP para sa negosyo at hanggang ngayon ay napagkukuhanan ko pa rin ng dagdag kita.
Dahil sa SLP, nakapag-aral at nakapagtapos din ako ng training para sa House Keeping at mayroon na akong NC II certificate mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Isa rin ako sa napili ng aming City Link na maging facilitator ng Save the Children para sa positive discipline. Dahil dito, nakapag-training kami sa iba’t ibang lugar at marami akong natutunan o napagnilayan ukol sa positive discipline. Isa rin ako sa mga nagtuturo sa mga bata na may kapansanan sa bawat school sa Taguig. Bilang nanay na may anak na may kapansanan, masarap sa pakiramdam sa tuwing iisiping dati ay sa loob ng bahay ko lamang nagagawa ito. Pero ngayon, naibabahagi ko na ang aking kaalaman sa ibang bata at magulang.
Natutunan ko na dapat maging positibo lagi ang pananaw natin sa buhay. Ang importante ay mapatapos ko at mabigyan ng tamang edukasyon ang aking mga anak. Sa awa ng Diyos ay unti-unti nang nagbunga ang aming pagsisikap. Ang anak ko noon na nangangalakal ay isa nang regular na empleyado sa PAGCOR-Hyatt Casino. At mayroon na rin akong anak na driver na may sarili nang motor. Isa rin sa aking anak ay natulungan din ng DSWD at SLP. Siya ay nakapag-aral sa TESDA at ngayon ay nagtatrabaho na sa Resorts World bilang welder. Ang isa kong anak naman ay nakapagtapos ng college sa College of St. Benilde, na ngayon ay isa nang government employee ng MMDA. Samantala, ang dalawang natitirang monitored children ng programa ay patuloy na nag-aaral at nagsusumikap. Patunay lang ng kanilang pagsisikap ang ilan sa mga medalya at karangalang kanilang natatamo.
Bilang magulang, alam ko na nagtagumpay na kami dahil hindi kami sumuko sa hamon ng buhay. Tunay nga na masalimuot naging buhay namin noon, pero sa tulong ng 4Ps, ito ay napagtagumpayan namin. Hindi lang tulong-pinansyal ang natatamo namin sa programang ito, kundi pati na rin mga karunungan at oportunidad.
Sa ngayon, masasabi ko na makakatawid na kami sa kahirapan, sapagkat ang mga anak ko ay may narating na sa buhay. Bilang solo parent na may tatlong may kapansanan na anak, hindi ko maikakaila na naging katuwang ko ang 4Ps sa pagpapalaki at pagtataguyod ko sa kanila. Balang araw, makaalis man ako sa programa, lahat naman ng aking natutunan ay aking iingatan at palalawakin upang makatulong pa ako sa iba. Ang 4Ps ay parte ng aking pagkatao at istorya ng buhay ko.#
Balang araw, makaalis man kami sa programa, lahat naman ng aking natutunan ay aking iingatan at palalawakin upang makatulong pa ako sa iba.