Quezon City- Naglabas ng babala ang pamunuan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kanilang mga benepisyaryo na huwag basta-basta ibibigay ang kanilang mga personal at mahahalagang impormasyon kagaya ng pangalan, address, birthday, lalung-lalo na ang mga sensitibong impormasyon kagaya ng cash card numbers at pin.
Ito ay matapos makatanggap ang programa ng ilang report na may mga nagpapangap umanong kawani ng 4Ps at Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang kanilang modus ay tatawag o magte-text sa mga benepisyaryo ng programa upang hingiin ang kanilang mga personal na impormasyon.
Sinabi ng pamunuan ng 4Ps na ang paghingi ng impormasyon ay ginagawa lamang upang mag-verify kung may mga reklamong inihain ang mga benepisyaryo.
Para sa mga makakatangap ng mga tawag o text na kadudaduda, maaaring ipagbigay-alam agad ito sa inyong City/ Municipal Link o magbigay ng mensahe sa opisyal na Facebook Page ng 4Ps sa www.facebook.com/DSWDPantawidPamilya. ###