Salaysay ng Buhay ni John Christian Canceran, Top 8 sa Veterenary Medicine Licensure Exam 2020
“Sa bawat kalansing ng barya sa aking bulsa, nadaragdagan ako ng pag-asa at determinasyon upang magpatuloy upang makapagtapos sa aking pag-aaral.”
Ako si John Christian Canceran, pang-apat sa anim na supling nina Joseph Sr. at Florentina Canceran. Payak ang pamumuhay ng aming pamilya sa Barangay Rosario, City of Santiago dito sa probinsiya ng Isabela. Ang aking ama ay nakapagtapos ng high school samantalang ang aking ina naman ay nakatuntong ng kolehiyo ngunit hindi rin niya ito natapos.
Dahil sa hindi nila natapos ang kanilang pag-aaral, naging mahirap para sa kanila ang makahanap ng permanenteng trabaho upang maitaguyod ang aming malaking pamilya. Sa simula ay nagbabantay ng palikuran sa isang ospital ang aking ama. Barya barya lamang ang koleksiyon sa bawat taong gagamit ng palikuran at ito ang pinagkakasya sa amin.
Di naglaon, nabigyan siya ng panibagong trabaho, isa na siyang elevator operator ng ospital ngayon samantalang ang ina ko naman ang humalili sa kanya sa pagbantay sa palikuran at pagbebenta ng tubig na maiinom. Katuwang nila ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang mapanatili ang aming pag-aaral.
Sa ganitong paraan nila kami itinaguyod, mahirap, kakarampot ang kinikita sa pangkabuhayan at araw-araw ay hinaharap ang panganib mula sa iba’t-ibang sakit na maaaring makuha sa mga pasyente ng ospital. Gayunpaman, hindi nila hinayaang ang mga pangambang ito ay mamuno sa kanilang isip, bagkus ay lalo pa silang nag-pursige.
Ang kanilang ipinamalas na katatagan at pagmamahal ang naging panggatong ng aking mga pangarap. Bata pa lamang ako ay nakahiligan ko na ang mga hayop, sa katunayan halos ayaw kong makakita ng hayop na namamatay. Nakikinood pa ako sa telebisyon ng aming kapitbahay lalo na kapag ang palabas ay Matanglawin, National Geographic o Discovery Channel. Sa murang edad kong iyon ay namuo ang aking pagnais na maging manggagamot ng mga hayop.
Bilang pang-apat na anak, batid kong hindi magiging madali para sa aking mga magulang ang mapag-aral ako sa aking kagustuhang kurso. Wala kaming gaanong malaking halagang naitabi para sa pangmatrikula, lalo’t higit sa mga kagamitan na kakailanganin sa aking kurso. Dahil dito, naghanap ako ng iba’t-ibang paraan upang mapanatili ang aking pag-aaral katulad ng pag-apply sa iba’t-ibang mga scholarship. Sa katunayan, naging Academic Scholar at City Scholar ako sa loob ng apat na taon. Maliban dito, napabilang din ako sa Expanded Students Grants-In-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) ng 4Ps hanggang ika-apat na taon ko sa kurso.
Tuwing bakasyon, pumapasok ako bilang crew ng mga fast food restaurants. Kapag sabado at linggo naman ay humahalili ako sa aking mga magulang sa pagbantay ng banyo/palikuran na nakahiligan ko nang gawin. Habang ang ibang katulad kong mag-aaral ay naghihintay lamang ng allowance mula sa kanilang mga magulang, ako ay naglilinis at nagbabantay ng banyo upang may pambili ng mga gamit at libro.
Higit na nakatulong sa aking pag-aaral ang Isabela Eye Specialist. Tuwing sabado ay pumapasok ako sa kanilang klinika at tumutulong sa pag-istima ng mga kliyente. Kapalit nito ang allowance ko sa pagpasok. Nagpapasalamat ako sa kanilang CEO na si Dr. Leandro Jose Domalanta sa kanyang pagtiwala sa akin at sa tulong-pinansiyal upang matustusan ang aking thesis.
Nakapagtapos ako ng kursong Doctor of Veterinary Medicine sa gitna ng pandemya ng taong 2020. Wala kaming sapat na pera upang makapag-enroll ako sa review center kung kaya’t nag self-study na lamang ako. Ang tangi ko lamang panalangin noon ay makapasa ako sa board exam ngayong Pebrero subalit higit pa roon ang ibinalik sa akin, pumasa ako bilang pang-walo sa topnotchers ng Licensure Exam for Veterinary Medicine.
Ako man ay hindi pa rin makapaniwala na ang anak ng elevator operator at magbabantay ng banyo ay makakapagtapos bilang isang doctor subalit narito ako ngayon, nagsisilbing patotoo na hindi pala ito imposible.
Sa pagtatapos ng aking kwento, nais kong mag-iwan ng mensahe sa kapwa kong mga mag-aaral: Huwag kayong susuko sa inyong mga pangarap sapagkat walang imposible sa taong naniniwala sa sarili at nagsusumikap upang maabot ito. Walang instant sa mundo, lahat ay dapat pinaghihirapan. Kinaya ko ang maging doktor sa kabila ng estado namin sa buhay kung kaya’t naniniwala ako na kakayanin din ninyong maabot ang inyong mga pangarap. Sa bawat baryang kumakalansing sa ating bulsa, ay piraso na bubuo ng ating mga pangarap. #
(Re-written by Jeanet Antolin-Lozano, Information Officer DSWD FO II, from John Christian Canceran’s story narration)