Quezon City – Nagbabala ang pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga tao o grupo na nais gamitin ang mga programa nito upang isulong ang pangsariling interes o pagsamantalahan ang mga mahihirap. Ito ay kasunod ng mga naglipanang fake na mga Facebook accounts, group, o page na gumagamit ng opisyal na logo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ng DSWD.
Ayon sa pamunuan ng DSWD at 4Ps, iisa lamang ang opisyal na Facebook page nito at hindi kailanman hihingiin ang kanilang mga personal na datos. Samantala, pinaalalalahanan din ang publiko na maging maingat at mapanuri lalo na sa mga taong humihingi ng kanilang impormasyon o ng pera kapalit ng pagpaparehistro bilang benepisyaryo ng 4Ps.
Binigyang diin ng DSWD na ang 4Ps ay may sinusunod na panuntunan, at tanging ang ahensya lamang ang may kakayahang magrehistro o magtanggal ng benepisyaryo sa programa nito. Hindi kailan man hihingi ng anumang kabayaran ang ahensya sapagkat ang programang ito ay serbisyo ng pamahalaan sa mga higit na nangangailangan.
Nanawagan ang DSWD sa publiko na ipagbigay-alam agad ang mga indibidwal o grupo na humihingi ng kanilang impormasyon o nanghihingi ng pera kapalit ng pagiging benepisyaryo ng programa ng DSWD, kagaya ng 4Ps. Maaari nilang itong ipagbigay-alam sa pinakamalapit na tanggapan ng DSWD o mag-text sa 4Ps Tanggapan ng Reklamo sa numerong 09189122813 o magpadala ng mensahe sa opisyal na Facebook account ng DSWD (https://www.facebook.com/dswdserves/) o 4Ps (https://www.facebook.com/DSWDPantawidPamilya). ###