Pagbabahagi ni Margie Rodas mula sa Remedios T. Romualdez, Agusan Del Norte
Pagkagutom. Pagkakasakit. Pangangamba. Ang mga katagang ito ang walang patid na nagbibigay-pasakit sa aking puso at buong pagkatao dulot ng kahirapan. Kahirapan na naglulugmok sa aking pamilya sa miserableng pamumuhay at ang kaginhawaan ay tila bituin na lamang na aming nasisilayan ngunit kailanma’y hindi mahahawakan.
Labing-pitong taong gulang pa lamang ako ng ako’y magkaanak at mag-asawa. Dahil dito, sekondarya lamang ang natapos ko. Nagluluto ng saging at kamote upang ibenta sa mga bata sa eskwelahan. Ang aking asawa naman ay isang drayber ng bus.
Kami’y nakakaraos naman sa pang-araw-araw noong iisa pa lamang ang aming anak. Subalit matapos ang walong tao’y nasundan ng dalawa pa. Sa di inaasahang pangyayari, tinamaan ng sisto sa atay at sakit sa kidney ang aking asawa at kalauna’y nawalan ng hanapbuhay. Mga bata pa lamang ang aming mga anak kaya’t sa mga panahong iyon ay nakaatang na sa aking mga balikat ang mga pangangailangan ng pamilya.
Pagtitinda ng kakanin gaya ng turon, barbecue, kamote cue at budbod na aking nilalako na hanggang hindi nauubos ay hindi ako uuwi. Tumatanggap din ako ng suhol sa “pagganit” sa mga paumahan. Lahat ng klase ng paghahanapbuhay na alam ko’y ginawa ko kahit mahirap at nakakapagod sapagkat kailangan kong kumayod sa araw-araw matustusan lamang ang ang aming pangangailangan mula sa pagkain, gamot ng aking asawa, at sa pag-aaral ng aming mga anak.
Subalit ang kasalatang naranasan ko’y mas may ilulubha pa pala. Muntikan ng gumuho ang aking mundo sa pagkamatay ng aking asawa mula sa kanyang komplikadong karamdaman. Labis-labis ang aming pagdadalamhati sa mga panahong iyon. Ang pagkawala ng aking asawa’y naghatid ng napakahiganteng hamon sa akin bilang ina ng aking mga anak.
Bilang nag-iisang haligi at ilaw ng tahanan, kailangan kong maging matibay at matatag para sa aking mga anak. Mabigat man na pasanin ang aking bubuhatin, hindi ako maaaring sumuko at hintayin na pati ang aking mga anak ay mawasak rin sa delubyo ng buhay at mapariwara ang landas.
Ang aking panganay ang naging katuwang ko sa paghahanapbuhay at pag-aalaga sa dalawa niyang mga kapatid. Sa madaling araw ay namamalengke ako para may maitinda samantalang ang panganay ko ang nag-aasikaso sa kanyang mga kapatid bago pumasok sa paaralan. Nagdadala rin siya ng mga paninda na inaalok niya sa kanyang mga kaklase at guro. Sa pagsapit naman ng dilim ay pumupwesto na ako sa tapat na aming sumasayaw na munting tahanan para magluto ng barbecue. Ang gabi ay ginagawa ko na ring araw upang kumayod.
Isang araw, sa hindi naming inaasaha’y may mga miyembro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) CARAGA ang pumarito sa aming tahanan at naisama kami sa surbey sa programa na Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps). May interbyung isinagawa sa munisipyo ng aming lungsod at kami’y naging kwalipikado na benepisyaryo ng programa. Labis-labis ang aking kasiyahan dahil may katuwang na ako sa pagpapaaral at pagpapalaki ng malusog sa aking mga anak, ito ang mga pangunahing layunin ng programa. At mula sa araw na iyon, nagsimula nang maging banayad ang masukal na daloy ng aming pamumuhay.
Ang panganay ko ay nabigyan ng pagkakataong makapag-aral sa kolehiyo at isa sa pinalad na maging Expanded Students Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESG-PPA) scholar at nakapagtapos sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in Biology bilang Cum Laude. Ang pangalawa kong anak na nasa ika-labing dalawang baitang ay consistent na with high honors, habang ang ikatlo naman ay nasa ika-sampung baitang at consistent with honors student.
Dahil hindi na ako namomroblema pagdating sa pag-aaral at pagkain ng aking mga anak ay nagkaroon ako ng pagkakataong mapalago ang aking negosyo. Kung dati’y nilalako ko pa ang aking paninda, ngayon, mayroon na akong maliit na sari-sari store sa tapat ng aming tahanan. Nakakabayad na rin ako sa mga gastusin sa bahay tulad ng kuryente’t tubig. Ang mga utang na muntik ng malubog sa akin sa putikan ay nababayaran ko na rin.
Sa pamamagitan ng programang 4Ps, nabigyan ako ng karagdagang kakayahan sa pagnenegosyo at mas lalong nahasa ang mga talento ng aking mga anak. Sapagkat may pantustos na kami sa mga pangangailangan ukol naman sa aming mga kakayahan. Ngayon, gumagawa na ako ng mga flower vases na akin namang ibinebenta. Ang panganay kong anak ay nakapagtrabaho na sa Pamahalaang ng Lungsod ng R.T.R. bilang Human Resource Officer habang ang ikalawa at ikatlong anak ko naman ay mas lalong napaghusayan ang pagiging manunulat (journalist) at pagiging pintor na binigyang katuparan ng programa. Nakapag-uwi na rin ang aking mga anak ng mga medalya dahil sa kanilang mga talento.
Ako bilang ina ay nagpupursige sa paghahanapbuhay at ginagamit ng wasto ang tulong pinansiyal at pagtupad sa mga kondisyon ng programa nang sa ganoo’y matupad rin ang aming pinapangarap na sariling tahanan.
Parte na ng buhay ang pagkakaroon ng matitinding hamon tulad ng kahirapan. Kailangan lamang ng lakas ng loob at paninindigan upang mapagtagumpayan ang delubyo subalit ako’y naniniwala rin na walang nanalo sa giyera kung ika’y mag-isa lamang na lumalaban. Ang tagumpay ay makakamit lamang sa pamamagitan ng Poong Maykapal at labis akong nagpapasalamat sa Kanya dahil sa 4Ps na Kanyang ginawang instrumento upang mapabuti ang kalagayang pantao ng mga katulad kong napabilang sa mga pinakamahihirap na pamilya ng bansa. ###