Pagbabahagi ni Mechelle Lontayao mula sa Siquijor, Siquijor
Marami sa ating mga pamilyang Pilipino ang nabibilang sa tinatawag na pinaka mahirap o tinatawag na isang kahig isang tuka. Dito sa maliit na isla ng Siquijor napakahirap ng buhay. Nakatira kami sa isang barung-barong.
Ang aking asawa ay isang manlalambanog at nabebenta lamang ito sa halagang apat na piso kada isang tabo ng pinutol ng 1.5 litro ng coke. Kumikita kami sa isang lingo ng isang daan at apat napong piso. Ako naman ay isang simpleng may-bahay lamang, nag-aalaga ng aming dalawang anak.
Dahil sa walang sapat na kita, lagi itong dahilan ng pagtatalo naming mag-asawa. Nanlulumo ako sa aming sitwasyon at naitanong ko sa aking sarili, “ganito ba talaga kahirap bumuo ng pamilya?” Hindi ko sukat akalain na darating ang araw na mas magiging mahirap pati ang pagbili ng bigas. Kailangan mong makakuha ng numero dahil madaling araw palang mahaba na ang pila para sa dalawang kilo lamang. Kapag naubusan kami ng NFA rice bumibili na lang ako ng yellow corn rice na tinatawag ngayon na corn grits o pagkain para sa manok.
Hindi naglaon nagsimula ng mag-aral ang aming mga anak at doon na mas lalo na kaming nahirapan dahil kailangan naming tustusan ang pangangailangan ng aming mga anak. Dahil mahirap sa buhay kailangan mong mangolekta ng lumang notebook na pinag-gamitan na at kunin yon mga pahina nito na hindi pa sinusulatan at buohin ulit para maging bago.
Minsan pumapasok ang mga anak ko ng walang baon at sobrang naramdaman ko bilang nanay ang sakit sa dibdib na ang anak ko nakikitang inggit na inggit sa kinakain at sa mga bagong gamit ng kanilang kaklase. Tuwing bayaran na ng mga miscellaneous fee lagi nalang kaming huling nakakapagbayad. Sabi ko sa sarili ko hindi ko na kayang makitang nahihirapan ang mga anak ko at kailangan ko ng gumawa ng paraan para matulungan ko ang asawa ko sa mga gastusin sa bahay.
Pumasok ako bilang labandera at kumikita ako dito ng isang libo at tatlong daan kada buwan pero hindi pa rin sapat. Nang mga Grade 1 na ang aming panganay na anak pinapadalhan ko siya ng isang supot ng mga kendi para maibenta niya sa kanyang mga kaklase. Laking tuwa ko sa tuwing sinusundo ko na sila tuwing hapon ubos na ang paninda niyang mga kendi.
Mahirap man ang pamumuhay naming pero sinikap pa rin naming maitaguyod ang kanilang pag-aaral.
Isang araw taong 2009 may dumating na taga DSWD na nag-interview sa amin nag-usisa sa estado ng aming pamumuhay. Taong 2012 noong mapabilang kami sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Noon din namin natnaggap ang kauna-unahan naming cash grant.
Naging daan ang programa para mas mapaunlad ang aming pamumuhay. Nakatulong ang programa sa pag-aaral ng aming mga anak, nabibili na namin ang kanilang gamit sa paaralan. Nakakabayad kami sa takdang araw para sa bayarin sa paaralan at maging sa kanilang mga project ay natutugunan na din.
Malaking tulong din ang programa sa aming kalusugan. May buwanang libreng check-up kami sa aming health center bukod pa sa libreng gamot na kanilang pinamimigay.
Dahil sa cash grant na natatanggap naming, nailalaan naming sa iba pang gastusin ng bahay an gaming kinikita. Paunti-unti ay nakapag-patayo kami ng sarili naming bahay. Sa aming pagadalo sa Family Development Session mas napa-unlad ko ang aking sarili. Nakatulong din ang mga capability building training na aking nasalihan. Naging mataas ang aking kumpyansa sa sarili, at nagging daan para makapasok ako bilang Child Development Worker sa aming barangay.
Naging maayos ang aming pamumuhay ng dahil sa 4Ps. Naging consistent honor student ang mga anak ko mula daycare hanggang high school. Nagkaroon ng maayos na trabaho ang asawa ko bilang karpentero sa tulong din ng mga training mula sa TESDA. Naging aktibo kami sa simbahan at ako ay naging leader ng Basic Ecclesial Community (BEC) at pinamumunuan ko ang mga senior citizen sa aming sitio.
Pinaka-maganda sigurong nangyari sa amin ay ng mabigyan kami ng Livelihood project na patuloy naming pinalalago kasama ang iba pang benepisyaryo ng 4Ps.
Ngayon panahon ng pandemic, isa ako sa nag volunteer bilang frontliner sa aming barangay. Ang aming hardin ay naging malaki tulong sa aming pang araw-araw na pangangailangan at nakadagdag income din.
Walang humpay kaming nagpapasalamat sa Panginoon at binigyan Niya kami ng pagkakataon na maging bahagi ng 4Ps. Ang pinakamahalagang natutunan namin sa programa ay ang pagiging matiyaga, masipag, pagkakaisa, pagkakaunawaan, pagtutulungan, pakikinig sa opinion ng bawat isa, matutong mag-ipon.
Lahat ng natutunan namin sa Family Development Session para mas lalong mapatibay ang pundasyon ng pamilya.
Sa ngayon natupad na namin ang aming pangarap na magkaroon ng sariling bahay kahit pa man hindi ito tapos pero masaya kami dahil may maayos na kaming matutuluyan. May sarili na rin kaming linya ng tubig at kuryente.
Ang tanging pangarap namin ngayon ay makapagpatapos ng pag-aaral ang aming mga anak at magkakaroon ng magandang trabaho para sa kanilang magandang kinabukasan sa ganon makatulong din sila sa iba pa naming kamag-anak. Humaharap man tayo sa pandemic ngayon hindi ito magiging hadlang para patuloy na mangarap ng magandang buhay.
Naniniwala akong hindi hadlang ang kahirapan para makatawid ang aming pamilya tungo sa kasaganahan. Marami kaming natutunang mag-asawa sa lahat ng pagsubok na dumating sa aming buhay kailangan huwag mawalan ng pag-asa, laging manalig sa Diyos at sa tuwing may biyayang dumating huwag kalimutang ibahagi ito sa iba. ###