Pagbabahagi ni Marymay Julhari mula sa Isabela, Basilan
Mula sa pulo ng Tawi-Tawi, lumipat ang ilan sa mga katutubong Sama-Bajau sa Isabela, Basilan. Sa paglipas ng panahon, napili ang aking ama na si Buhali Adjilani bilang Panglima Bulakkah (Tribal Leader-Bottang mattoa) ng aming tribo.
Hanggang sa kanyang huling hininga, kabilin-bilinan ng aking ama sa akin na gawing unang prayoridad ang mga katutubong Bajau at huwag itong pabayaan sa hirap o ginhawa. Ang mahalaga ay mapayapa kaming namumuhay bilang tribo. Ang mga katutubo ay nahihirapang lumaban na makamit ang kanilang karapatan. Kaya bilang isang anak, ako ay naatasan ng aking tatay na tumindig bilang boses ng aming tribo.
Ako si Marymay B. Julhari, 55 taong gulang anak ng yumaong Panglima Bulakka at ang asawa ko ay si Ahmadurajal H. Julhari. Mayroon kaming anim na anak– apat na babae at dalawang lalake.
Mahirap ang buhay namin noon na tila ba nakikipagsapalaran sa malakas na alon ng dagat. Mangingisda ang aking asawa. Kung merong huli, may makakain. Kapag wala, kahit lugaw basta hindi kami malipasan ng gutom. Doble-kayod kami sa paghahanapbuhay upang matustusan ang pag-aaral ng aking mga anak.
Bangka ang gamit bilang tulay upang makapasok ang aking mga anak sa paaralan. Kahit gaano kalakas ang alon ng dagat naging desidido at pursigido ako basta’t makapasok sila sa paaralan. Naging prayoridad naming mag-asawa na matustusan ang pag-aaral ng mga bata.
Upang makadagdag sa kinikita ng aking asawa bilang mangisda, nagtayo ako ng maliit na tindahan. Sa bawat araw na may konting kita, inilalagay ko sa alkansya na gawa sa kawayan. Ang perang naiipon ko ay idinagdagdag namin bilang pangbayad ng ng matrikula.
Nang dumating na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, mas lalong nabuhayan ako ng lakas ng loob at naging matibay ang paniniwala na makakapagtapos ng pag-aaral ang aking mga anak.
Naging katuwang naming mag asawa ang 4Ps. Ang gastusin ng mga bata sa pag-aaral ay halos hindi na namin problema.
Ang dalawa kong anak na sina Waliydaini at Khaliydina ay napasama sa Science Network Section. Natutustusan na namin ang mga pangangailangan sa eskwelahan at mga proyekto sa paaralan. Nakakapagsumite na sila ng mga proyekto o requirements sa eskwelahan sa tamang oras kaya sila napasali sa napangaralan na with high honor mula ng 1st year hanggang senior high school.
Lahat ng natanggap namin na grant mula sa 4Ps ay inilaan ko lahat sa edukasyon ng mga anak ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos at programang Pantawid dahil nakapagtapos ng pag-aaral ang aking limang anak.
Sa aming tribo, bihira ang makapagtapos ng pag-aaral dahil may nakaugaliang kapag nasa tamang edad na ay maaari nang mag-asawa. Kaya proud ako sa aming narating bilang isang Pantawid Pamilya.
Dahil sa programa, ang aming pamilya ay nagkaroon ng Philhealth. Marami po ang nadugtungan ang buhay dahil dito. Hindi na mabigat sa bulsa namin ang bayarin sa hospital at ang ilang gamut libre naman sa health center.
Nakasali din ang mga anak ko sa skills training tulad ng pagluluto, gawa ng tinapay, pag-operate ng kompyuter, at nabigyan sila ng NCII. Nagamit nila ito sa pag-apply ng trabaho bilang karanasan.
Muntik nang matangay ng malakas na alon ng dagat ang aming mga pangarap. Maraming salamat sa Pantawid na kami ay nasagip at nagabayan sa magandang direksyon sa buhay.
Sa kasalukuyan, ang tatlo ay nagtatrabaho na sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno. Mayroong titser, pulis, nagtatrabaho sa opisina upang makapagsilbi lalung-lalo na sa aking tribo. ###