Pagbabahagi ni Loida Gurango mula sa Infanta, Quezon
Ang pangarap ng aming mga anak ay pangarap din naming mag-asawa. Anim ang aming anak at lahat sila ay nangangarap na makatapos ng pag-aaral at magtagumpay. Kaming mag-asawa ay tanging pag-aalaga ng bukid, pagtatanim ng palayat pagpapawid ang ipinantutustos sa kanila.
Mahirap ang aming buhay lalo na’t sabay sabay halos silang nag-aaral. Ngunit para sa pangarap namin, ginawa naming araw ang gabi para makapagtrabaho. Isang kahig, isang tuka man kami at kahit ipangutang man namin, igagapang at igagapang namin sila para makamit ang kanilangmga pangarap.
Sa kabila ng aming kahirapan ay hindi naman kami nakakalimot manalangin sa ating Panginoong Diyos at ito ang nagpapanatili ng pagiging matatag ng aming pamilya. Maliit pa lamang sila ay hinubog na namin sila sa paglapit sa Panginoon. Hindi kami pumapalya sa pagsamba na nakatatak sa aming puso’t isipan ang takot sa Diyos. Ito na rin ang nagiging bonding naming mag-anak bukod sa aming sama-samang pagkain na may kaunting kwentuhan at pagpapayo.
Bagamat nakapagtapos na ng pag—aaral ang dalawa naming anak, may apat pa kaming payuloy na pinag-aaral.
Taong 2009 nang may taong pumunta saaming tahanan upang magsurvey. Makalipas ang tatlong taon, doon ko napag-alaman na ang survey na iyon ang naging dahilan upang mapasali ang aming pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Salamat sa Panginoon at saating gobyerno, may maidaragdag na ako sa gastusin ng mga anak ko.
Tunay na malaki ang tulong sa amin ng financial assistance na ipinagkaloob ng Pantawid Pamilya. Kung dati ay hindi ko nababayaran agad ang contribution sa school, ngayon kapag nagpayout ay inuuna kong bayaran ang school contribution. May pantustos na rin kami sa mga gamit ng mga anak ko, vitamins, pagkain at iba pangpangangailangan sa bahay. Sabi ko nga “hindi ko na uutangin pa” ang mga ito.
Malaki rin ang naitulong sa amin ng Family Development Sessions o FDS. Nabigyan ako ng mga panibagong kaalaman at nadevelop ko ang aking sarili, lalo na nang maging Parent Leader ako. Dati ay hindi ako nakikisalamuha sa ibang mga tao dahil likas sa akin ang pagiging mahiyain. Lumakas ang aking loob, natutong makipagtalakayan at makisama sa ibang tao. Pati na ang aking asawa ay natuto ring sumunod sa patakaran ng Pantawid Pamilya na bawal mag-inom, magsugal at iba pang masasamang bisyo.
Napakaganda ng layunin na itinuturo sa FDS tulad ng kung paano ang tamang pagbabudget ng pera, paghahanda at pagpaplano ng pamilya kung may darating mang sakuna o kalamidad, tamang pangangalaga ngkalikasan, pagbibigay ng tamang karapatan sa mga bata at marami pang iba.
Salamat sa Pantawid Pamilya at totoong nakakatawid na kami sa aming kahirapan. Unti-unti ay nararamdaman namin ang gaan ng buhay dahil nakakatulong na rin ang aming mga anak na panganay na pagsuporta sa pinansyal na pangangailangan ng mga nakababatang kapatid nila na sangayon aynag-aaral pa.
Masasabi ko na nakakalampas na kami sa mga pagsubok na dumating sa aming buhay at patuloy na makakalampas pa. Malayo na kami sa kalagayan na nasilayan noong taong nag-survey sa kalagayan ng aming pamilya. Kung noon ay nag-aagawan kami sa tuyo, ngayon ay hindi na dahil mayroon na kaming sapat na pagkain. Kung noon ay kahoy ang panggatong, ngayon ay may rice cooker na at M-gas. Kung noon ay barong barong ang aming bahay, ngayon ay konkreto at yero na.
Kaya maraming salamat sa Panginoong Diyos at sa mga hamon ng buhay, gano’n din sa mga pagsubok na patuloy na nagpapatatag sa aming buong sambahayan. Nagpapasalamat din kami sa Pantawid Pamilya na patuloy na tumutulong sa aming pangangailangan at sa aming ML na nagtiyagang magturo para sa mga karagdagang kaalaman sa buhay na ito.
Iisa ang pangarap ng aming buong pamilya at tinitiyak namin na makakamit namin ito.Lalo pa kaming magsusumikap atmagtitiyaga, hindi magiging patamad tamad at higit sa lahat, hindi kakalimutang humingi ng tulong sa Panginoong Diyos. ###