Pagbabahagi ni Gilda Gabane mula sa Motiong, Samar
Hindi naman kami mga kawawang cowboy, ngunit madalas ang aming bulsa’y walang pera. Bagama’t mayroon kaming iilang niyogan sa bukid, karamihan naman dito’y animong isinumpa’t sing laki lamang ng kamao ang bunga. Mura ang bentahan, at sadyang nagagapi pa kami dahil sa gastos rin ng pagpapatrabaho nito.
Ang benta rito’y nakatadhana ng pambili ng bigas at pang bayad utang. Bukod pa rito, apat hangang anim na buwan ang hihintayin bago makoprahang muli ang niyogan. Sa panahong ito, kaylangang mag-hanap muna ng ibang ikabubuhay.
Tuwing may pasok, ako’y nagtitinda ng mga snacks gaya ng puto, kutsinta at pancake sa kantina ng paaralan. Kailangang una pa akong magising kesa sa mga manok na tumitilaok tuwing mag uumaga. Ang dalawa sa aking mga anak ay gumigising din ng maaga upang tumulong sa pagbabalot nito.
May mga araw na mapagpala’t ubos ang tinda. Makakabili ako ng ulam at ilang mga pang araw-araw na pangangailangan. May araw ding dehado’t ‘di ubos ang paninda, minsan ay ‘di pa sapat ang nabenta upang makapuhunang muli. Sa mga ganitong pagkakataon ay pilit naming pagkaksyahin ang isang kilong bigas para sa buong araw. Ang pang-ulam ay nakasalalay nalang sa kung ilang barya ang matitira.
Ang aking asawa nama’y madalas nasa bukid- nagtatanim ng mga kamoteng kahoy o gabi at ilang mga gulay. Minsa’y nakakabenta rin sya ng kaunting “tuba”. Halos wala ritong kita, tanging pantawid gutom lang ang kanyang naaning gulay at kamoteng kahoy. Dati’y “naghabal-habal” siya ngunit tumigil rin pagkat panakaw-nakaw lamang ang kanyang pagpasada dahil sa kawalan ng permit (at wala ring pera pang-kuha nito).
Nasusuklian naman ang aking pagod pagkat nakikita kong nag-aaral ng mabuti ang aking mga anak. Sa mga mahihirap na leksyon ay matyagang tinuturuan ng aking mga panganay ang kanilang mga nakababatang kapatid. Nagtutulungan din sila upang agarang matapos ang mga gawaing bahay.
Di naglaon kami’y na survey at nakasali sa 4Ps. Batid kong napalaki nitong tulong kung kaya’t labis ang aking galak.
Wala ng nagkakasakit pa pagkat sapat at masustansya na ang pagkain at may pang bitamina pa. Bukod sa bigas at ulam, nakakabili rin kami ng kaunting grocery tulad ng kape, sabon, shampoo, sangkap sa kusina at ilan pang mga mumunting bagay na karaniwang sinasadya sa sari-sari store. Hindi na kailangang bumili ng tingi-tingi, na kung minsan pa nga’y nauuwi pa sa “nganga” na lamang kung walang naipit na baryang pambili.
Maningning ang mga mata’t may giliw na bubuksan ng aking mga anak ang sisidlang dala ko, pagkat batid nilang mayroong pasalubong para sa kanila. Minsa’y gamit sa paaralan, bagong T-shirt, sapatos o tsinelas- depende kung ano ang pangangailangan. May itinatabi rin ako para sa mga bayarin sa eskwela- homeroom project, miscellaneous fee at para sa proyekto nila sa ibat-ibang asignatura. ‘Di maipagkakailang may sapat nang pang sustento para sa kanilang pag-aaral.
Higit sa tulong pinansyal, ang 4Ps ay larawan ng pagmamahal at kalinga ng gobyerno sa mga katulad naming kapus-palad. Patunay na kami may maituturing na nasa laylayan ay hindi parin kami nalimutan. Higit sa lahat, ang programang ito ay parang kamay ng Diyos na umaakay at tumutulong sa mga naghihikahos upang makaahon at mapagtagumpayan ang buhay. May higit pang pakahulugan ang programang ito liban sa ayuda’t cash card.
Taong 2015 ng sa di inaasahang pagkakataon ay nasawi ang aking asawa. Lubos ang pagdadalamhati ng aming pamilya. Di namin sukat akalain na sa bala ng baril matutuldukan ang buhay ng aming masipag at mapagmahal na haligi ng tahanan. Masaklap pa’t damay lamang sya o civilian casualty sa engkwentro ng mga rebelde’t sundalo. Nang mga panahong iyon ay mayroon akong dalawang kolehiyo at nag bubuntis pa sa aming bunso.
Upang malagpasan ko ang hamon na ito, mas lalo pa akong nagsumikap at nagsipag. Patuloy pa rin ang aking pagtitinda sa kantina ng paarlan. Ang perang nakukuha ko naman sa 4P’s ay akin pang tinipid ng doble ng sa gayo’y umabot ito ng maraming araw. Hinikayat ko rin ang aking mga anak na maging masinop sa lahat ng bagay.
Katuwang ang tulong ng 4Ps, iginapang ko ang pag-aaral na aking mga anak. Dulot na rin ng kanilang pag sisipag sa pag-aaral ay kapwa sila nakatanggap ng scholarship. Ang aking panganay ay scholar ng aming LGU. Pagkat sadyang marami pang bayarin sa pagkokolehiyo, naisipan din niyang mag working student. Lubos ang aming suporta sa kanya pagkat alam naming sya’y pursigidong makapagtapos. Ang aking pangalawa nama’y scholar ng DOST.
Matapos ang apat na taong pakikipagbuno sa kolehiyo ay sa wakas, natanggap din nila ang minimithing diploma. Ako’y may tahimik na pagtangis, hindi dulot ng lungkot ngunit dala ng galak sa tagumpay na kanilang nakamtan. Ako ma’y nabigo na makapagtapos noon, ngayon nama’y nakamit rin ng aking mga anak ang tagumpay na ito. Ang puntong ito’y pagsilip ng bukang liwayway! Sasalubungin namin ang maliwanag na bukas.
Ang 4Ps ay di lamang nagbigay tulong sa pag-aaral ng aking mga anak kundi nakatulong din upang mapaunlad ang aking sarili. Wala akong pinapalampas na FDS pagkat napakaraming kaalaman ang aking nakukuha rito gaya ng mga lecture na may kaugnayan sa pagpapatibay ng ugnayan ng magulang at mga anak, pagpapalago ng buhay ispiritwal ng pamilya, management of time and self at marami pang iba. Ang mga natutunan ko rito’y naa-apply sa pang araw-araw kong pagganap sa papel ng pagiging ilaw ng tahanan. Lubos itong nakatulong upang tumaas ang aking kompyansa sa sarili na maitataguyod ko ng maayos ang aking pamilya.
Kasalukuyang nagtatrabaho ang aking panganay sa Cebu bilang isang ESL English Teacher. Ang trabahong ito’y naayon rin naman sa kursong kanyang napagtapusan na BSEd Education major in English. Ang aking pangalawa nama’y kapapasa pa lamang ng Board exams. Mayroon rin akong dalawang lalaki na pawang nasa High School na. Ang bunso ko nama’y nais kong papasukin na sa Day care ngayong pasukan. May miminsanang pagkakataon na kami’y kinakapos ngunit masasabi kong mas maunlad na ang aming pamumuhay kesa noon.
Makitid at mabalakid ang daang aking tinungo’t tutunguhin pa ngunit sa dakong dulo’y naaaninag ko na ang isang maginhawang buhay. Marami pa akong pangarap para sa aking pamilya gaya ng mapag tapos ang iba ko pang mga anak, mapaayos ang aming bahay at makapagtayo ng isang maliit na negosyo. Kabit bisig namin itong aabutin. Hindi ako magpapatinag sa kahit anomang hamon ng buhay! ###