Pagbabahagi ni Lorente Balucas mula sa Tamuini, Isabela
Katulad ng ibang pamilyang napagkaitan ng mga materyal na bagay at maginhawang buhay, ang aming kwento ay dinaanan din ng unos subalit pinagtibay ng pag-asa at pagmamahalan.
Ako si Lorente B. Balucas, 55 taong gulang, mula sa tribung Itneg na nakatira sa Brgy. Dy Abra bayan ng Tumauini, Isabela. Ako ay lumaki sa hirap subalit nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral at makapagtapos ng kursong Bachelor in Agricultural Education. Nakapagtrabaho ako sa pribadong institusyon ngunit di kalaunan ay mas pinili kong magtrabaho sa sakahan dahil mas maayos ang kita dito. Taong 1995 nang ako ay ikinasal kay Jesusa at kinalaunan ay biniyayaan kami ng pitong anak. Si John Paul ang panganay, sunod si Lorente, Jessa Lorie, Jolina, Christine Joy, Jaymark, at John Keith na bunso. Ako, bilang haligi ng tahanan, ang nagtratrabaho bilang magsasaka samantalang ang aking misis ang abala sa pag-aalaaga ng aming mga anak. Minsan ay naglalako din sya sa palengke. Sa kabila ng aming pagkukulang sa kakayahang pinansiyal ay masikap naming pinalaki sa simpleng pamumuhay ang aming mga anak. Subalit hindi parin maikakaila ang reyalidad ng aming buhay.
Bago dumating ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay iba’t-ibang karanasan ang aming pinagdaanan. Bilang mga magulang, napakasakit para sa amin na hindi maibigay ng lubos ang mga pangangailangan ng aming mga anak. Napakahirap na makitang pinagkakasya ng mga bata ang kakaunting pagkain sa hapag-kainan, ang makita silang nakamasid sa mga bagong laruan ng kanilang kalaro, at ang bigyan sila ng kakapiranggot na baon sa eskwelahan.
Gustuhin man naming mag-asawa na maibigay ng sapat ang kanilang pangangailangan ay mahirap talaga. Nabahala kaming baka hindi namin mapagtapos ang aming mga anak sa sitwasyon ng aming buhay.
Sa pagdating ng 4Ps ay nagkaroon kami ng pag-asa. Taong 2012 nang mapabilang ang aming pamilya sa programa. Kahit papano’y gumaan ang pasanin naming mag-asawa. Sa pagdalo ng buwanang FDS ay natuto kaming maging mas mabuting ehemplo sa aming mga anak pati narin sa komunidad. Mas pinaigting namin ang aming samahan bilang pamilya sa pamamagitan ng pagpapahalaga ng aming relihiyon at pagsisimba ng sama-sama tuwing Linggo. Sa katunayan ay isa akong aktibong miyembro ng Knights of Columbus. Dagdag pa sa partisipasyon ko sa komunidad ay ang aking pagiging Tribal Chieftain ng Dy Abra Tinguians Tribe Organization, isa sa mga organisasyong kinikilala ng NCIP na pumoprotekta at pinapanatili ang kultura at tradisyon naming mga Itneg.
Sa tulong ng programa ay natuto kaming mangarap, at ano mang problema ay kinakaya namin ng sama-sama. Subalit isang hindi inaasahang pangyayari ang gumulantang sa aming pamilya. Tila ang liwanag sa aming tahanan ay dumilim nang pumanaw ang aking asawa, buwan ng Mayo 2015. Limang taon lamang ang aming bunso nang si Jesusa ay mamatay samantalang nasa kolehiyo na sina John Paul at Lorente. Tila pinagsakluban ako ng langit at lupa ng mga panahong iyon. Hindi ko alam ang gagawin, para akong napilayan. Tanging ang takot ko na mapabayaan ang aking mga anak ang nagtulak sa akin upang magpakatatag.
Isang malaking pagsubok sa akin ang tumayong ina at ama sa aking pitong anak. Hindi ko lubos maisip kung paano sila pag-aaralin ng sabay-sabay, lalo’t nasa kolehiyo na ang dalawa kong panganay, samantalang papasok narin ng kolehiyo si Jessa dahil nakatapos na sya ng High School ng panahon na iyon. Hindi ko naman magawang pahintuin siya dahil nagtapos sya ng may honor.
Minsan ay pinayuhan din ako na patigilin muna sa pag-aaral ang iba kong anak, subalit tuwing nakikita ko sila na nagpupursigi ay nararamdaman ko ang panghihinayang. Panghihinayang sa kanilang potensyal, pati narin sa programang aming kaagapay. Sila ay masisipag na bata kaya bilang responsableng ama at benepisyaryo ng 4Ps ay wala akong pinahinto sa kanila. Ayokong sayangin ang tulong ng programa sa amin kaya nagpursigi ako sa pagtratrabaho. Pinagsabay ako ang pagtratrabaho sa bukid, pagkakarpentero, pati narin ang pagbenta ng bote at kahoy na panggatong. Dahil sa kagipitan ay naisanla ko rin ang maliit naming lupain noon, pati ang lumang tricycle na ginagamit naming service dahil nakatira kami sa bundok.
Di naglaon, sa tulong ng programa ay nagkaroon ng pagkakataong mapabilang si Lorente Jr. sa ESGP-PA scholarship samantalang sila John Paul at Jessa naman ay naging iskolar ng BRO for Education program.
Matapos ang ilang taon ay sa wakas naka-graduate din sa kolehiyo ang panganay kong si John Paul ng Civil Engineering. Sumunod na nakatapos si Lorente Jr. sa kursong Education. Education din ang kinuhang kurso ni Jessa at nakapagtapos sya bilang Cum Laude. Isang matamis na tagumpay para sa akin ang makita sa entablado ang aking mga anak sa bawat pagtatapos nila sa kolehiyo. Sa ngayon ay may mga trabaho na sila, si John Paul bilang isang engineer sa isang pribadong kumpanya, si Lorente bilang isang regular teacher ng DepEd, at si Jessa bilang private-school teacher. Maliban sa programang Pantawid ay kaagapay ko narin sina John Paul, Lorente Jr.,at Jessa na kusang tumutulong upang makapag-aral ang apat pa nilang kapatid. Sa kasalukuyan ay nasa 1st year College na si Jolina sa kursong BS in Agriculture. Si Christine Joy at Jaymark na mino-monitor ng programa ay nasa Grade 11 at Grade 8 narin at parehong napapasali sa honor students, samantalang ang bunsong si John Kate ay nasa Grade 6 na. Anuman ang gusto nilang marating sa buhay ay patuloy kong sinusuportahan.
Alam kong hindi dito nagtatapos ang aming kwento subalit nakahanda kami sa anumang surpresa ng buhay ang dumating sa amin. Isang karangalan sa akin ang maging ama ng aking mga anak at magsilbing sandalan nila. At kung magkakaroon man ng pagkakataong balikan ang bawat pahina ng aking buhay, masaya kong lilingunin ang bawat pagbagsak at pagsubok, kasabay ng unti-unti naming paglaban at pagbangon. ###