Pagbabahagi ni Dominador Ballebas Jr. mula sa Pasay City
Sa panahon ng pandemya na nararanasan ngayon, marami ang nagugutom, namamatay, at naghihikahos sa buhay. Marami rin na kalungkutan ang nararamdaman sa pagkawalay sa pamilya at unti-unting nawawalan ng pag-asa sa buhay. Dahil ditto, unti-unti ring bumabalik sa aking alaala ang mga pagsubok na pinagdaanan ng aking pamilya.
Maliit pa ang aking mga anak noon at nagtatrabaho ako bilang janitor sa isang kumpanya. Ang aking kinikita ay hindi sapat sa aming pang-araw-araw na gastusin. May mga pagkakataon na hinahayaan ko na lang kumain ang aking mga anak kahit ako ay hindi na kumain. Makita ko lang na busog na sila ay masaya na ako, pero sa aking kaloob-looban ay napakasakit na hindi ko maibigay ang pangangailangan nila. Bilang magulang, ginagawa ko ang lahat para sa kanilang kinabukasan. Sa gabi ay nagtitinda ako at sa umaga naman ay pumapasok sa trabaho para mabigyan sila ng magandang kinabukasan. Talagang mabait ang Maykapal dahil taong 2008 ay naging miyembro ang aming pamilya sa programa ng DSWD na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Marami kaming natutunan dito mula sa mga Family Development Sessions (FDS) na dinaluhan namin sa ilalim ng programa. Laging binabahagi sa amin ng aking asawa ang kahalagahan ng buong pamilya lalo na ang pagmamamahal at pag-aaruga sa isa’t isa. Noong kinailangan ng aking anak na magbayad sa Mathematics Teachers Association of the Philippines, hindi ko alam kung saan kami makakakuha ng pambayad. Ngunit, sa tulong ng cash grants na aming natanggap mula sa programa, nagkaroon kami ng pangtustos sa mga pangangailangan ng aking mga anak sa eskwelahan.
Pati ang aking maybahay ay marami ring natutunang karagdagang kaalaman dahil sa 4Ps. Sa tulong ng programa, kasama siya sa mga prayoridad na nakapag-training ng Bookkeeping, Bread and Pastries, at Massage Therapy sa ilalim naman ng Sustainable Livelihood Program (SLP) na isa ring programa ng DSWD. Naalala ko noon, sa bangketa lang kami nagtitinda karay-karay ang isang malaking bilao na ginagamit sa pagtitinda ng kakanin. Ngayon ay unti-unti na namin itong napalago at may sariling pwesto na kami sa night market at malaking lamesa na rin ang aming ginagamit.
Taong 2018, umapaw ang aming kaligayahan nang makapagtapos sa kolehiyo ang aking panganay na anak sa Technological University of the Philippines (TUP) sa kursong Bachelor of Science in Computer Science. Kami ay nagalak din sapagkat may katuwang na kami sa buhay at naging inspirasyon din siya ng kaniyang mga kapatid. Samantala, ang aking anak na si Trisha ay naging scholar Expanded Student’s Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) Program ng 4Ps at Commision on Higher Education (CHED) na syang nakatulong sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Sa kaniyang pagsisikap, siya ay nakapagtapos bilang Cum Laude sa University of the Philippines-Manila (UPM) at ganap na rin siyang lisensyadong Chemist ngayon. Taas-noo niyang ipinagmamalaki na isa siyang 4Ps member.
Sa aking pananaw ang susi ng tagumpay ay ang pamilyang nagmamahalan at ang pamilyang nananalig sa Poong Maykapal. Tuloy lang ang laban naming basta’t sama-sama. Walang bibitaw para sa edukasyon tungo sa magandang kinabukasan. ###