Pagbabahagi ni Norma Baco, mula sa Governor Generoso, Davao Oriental
Ako si Norma Baco isang simpleng mamayan sa bayan ng Governor Generoso, Davao Oriental. Ang buhay namin noon no’ng wala pa ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay talagang napakahirap. Naranasan naming hindi kumain ng tatlong beses sa isang araw lalo pa’t sa pangingisda ng aking asawa na si Felix Baco lamang namin kinukuha ang inaasang pang araw-araw na pangangailangan ng aming pamilya. May mga panahon na walang huli, masama ang panahon o hindi nakakaparaot dahil sa bagyo at minsan nagkakasakit na ang aking asawa dahil sa pagod. Dahil dito hindi namin naibibigay ang lahat ng mga pangangailan ng aming pamilya lalung-lalo na ang pangangailangan ng aming mga anak sa kanilang pag-aaral.
Hindi nila naranasang sumakay ng tricycle papuntang paaralan dahil nga kapus na kapos kami noon. Tinitiis ng aking mga anak na maglakad para lamang makapasok sa paaralan. Kahit sobrang hirap ng aming pamilya hindi naging hadlang na hindi namin sila papag-aralin. Lagi ko’ng ipinagdarasal na sana may biyayang ibigay sa amin ang Poong Maykapal at hindi ako susukong humingi ng tulong sa kanya sapagkat alam kong nandiyan lang siya at gagabay sa aming pamilya.
Ilang taon ang lumipas, sinagot ng Panginoon ang aking dasal, kami ay nabiyayaan ng tulong at ito ang sa panahong ang aming pamilya ay napabilang sa 4Ps. Lubos ang aming ikinagalak dahil alam na alam ko na malaki ang maitutulong nito sa aking pamilya at hindi ako nagkamali dahil lubos nitong natulungan ang aking pamilya lalung-lalo na ang pag-aaral ng aking mga anak. Naibibili ko na lahat ng mga pangangailangan nila sa paaralan, nakakakain na kami ng tatlong beses sa isang araw- may bonus pang masarap na ulam at naranasan na rin nilang hindi maglakad patungong paaralan dahil pinapasakay na namin sila ng tricycle at isa itong napalaking tulong dahil hindi na kami mangangamba sa kanila anuman ang mangyari sa kanila sa daan.
Dahil sa programang ito, dalawa sa aking mga anak ay nakapagtapos ng kolehiyo dahil naging prayoridad ng gobyerno na mabigyan ng scholarship ang pamilyang napabilang sa 4Ps. Isa ang aking panganay na si Norie Fe Baco rito. Siya ay naging scholar ng Tertiary Education Subsidy (TES) ng Commission on Higher Education (CHED) at ngayon siya ay isa ng guro sa Nangan National High School. Ang aking pangalawang anak naman na si Felix Baco, Jr. ay nakapagtapos ng Agriculture dahil din sa Expanded Students’ Grant-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) sa ilalim ng 4Ps at CHED.
Sa ngayon ang aking anak na si Felix ay nagsasanay/nagre-review para sa kanyang Board Exam. Ang pangatlo ko’ng anak na si Jerald Felix ay nasa 3rd year College na. Siya ay isa ring scholar ng TES ng CHED at kinuha ang kursong BS in Environmental Science. Sa ngayon lahat ng aking mga anak ay nag-aaral dahil bilang magulang obligasyon naming kumbinsihin, ienganyo at palawakin ang bukas ng aming mga anak kasama ang mga gabay ng Panginoon.
Isa ang programang 4Ps na humubog at nagpatatag sa akin bilang ina at magulang dahil hindi lang financial assistance ng aming pamilya ang ibinibigay nito, hinuhubog nito ang aming responsibilidad bilang tao, babae at magulang dahil tinuturuan kami ng ibat-ibang aralin patungkol sa kaayusan ng aming pamilya at kasama na rito ang pagkakaroon ng Bio-Intensive Garden na naging isa sa aking mga prayoridad ngayong pandemya. Hindi naging hadlang na kami ay nakatira malapit sa dagat dahil kami ay gumawa ng paraan para kami ay magkaroon ng Backyard Garden. Diyan namin kinukuha minsan ang pang-ulam namin kaya’t hindi na kailangan gumastos para bumili.
Dahil na rin sa programang 4Ps napabilang ako sa programang SLP na may proyektong mabigyan ang nasa laylayan ng Seed Capital Fund (SCF) sa pamamagitan ng Sustainable Livehood Program Association (SLPA). Hinirang ako bilang Presidente ng SLPA at ngayon isa ang association namin na may pinakamalaking kita sa lahat ng SLPA dito sa Governor Generoso. Sabi nga ng mga Municipal Links namin, dahil sa magandang gabay at malinis na layunin ko naging Sustainable ang aming proyektong General Merchandising. Lubos itong ipinapasalamat ng aking mga miyembro dahil lubos itong nakatulong sa amin lalong lalo na sa panahon ng pandemya. Dahil sa mga programang ito naging bukas ang aming tahanan para tumulong lalo na sa panahon ng krisis kahit konti nakakatulong kami sa aming kapwa at lagi kong sinasabi na “hindi masamang magbigay ng konte basta ikaw nakatulong”.
Ang aming pamilya ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng naitulong ng programa. Naging matagumpay ang aming mga anak at patuloy na nag-aaral dahil sa biyayang dala ng programa. Maraming oportunidad ang binubuksan nito sa aming mga mahihirap na ngayon ay naging masaya, masagana, payak at may matiwasay na buhay dahil sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. ###