Quezon City – Nasa 81% o 3,031,298 na ang bilang ng sambahayang benepisyaryo ang nakuhanan ng datos para sa Social Welfare and Development Indicators 2019 Assessment (SWDI) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program noong Hunyo 15, 2020. Ang SWDI ay isang instrumento ng pagsusuri na binuo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matukoy o matasa ang kalagayan ng pamumuhay ng mga mahihirap na sambahayang benepisyaryo ng programa.  Sinimulan ng Kagawaran ang kanilang pagsuri ng SWDI noong Setyembre 2019 na may layuning abutin ang 3,716,005 sambahayanng benepisyaryo sa buong bansa, maliban ang BARMM at Marawi City. Sa ngayon, itinatangi ng Kagawaran ang mga rehiyong II, VIII, at IX na tapos na at nakasumite na ng 100%  kumpletong report. 

Ang resulta ng SWDI ay napakahalaga sa ginagampanang tungkulin ng programa dahil dito natutukoy ang tunay na kalagayan ng pamumuhay ng bawat sambahayang benepisaryo na gagamiting batayan ng mga ‘case managers‘  pati na rin ng mga partners o kasamahan sa pagpapatupad ng programa.  Gagamitin din ito ng mga tagagawa ng polisiya, para sa kanilang basehang may lubos-kaalamang pagdidisisyon sa pagsasaayos at pagpapa-iigting ng mga pamamaraan at polisiya ng programa. 

Sa unang salbo ng resulta ng SWDI galing sa naitalang 1,970,867 sambahayan, nakita na nasa 5,803 or 0.29% ang bilang ng sambahayang benepisyaryo na nasa ‘Hikahos pa ang Pamumuhay’ o nasa lebel na ‘Survival’ (Level 1). Nasa 1,364,793 (69.25%) naman ang mga benepisyaryong mabibilang sa Pangalawang Antas na o Level 2, na may kahulugang ‘Nakakaraos Na’ o nasa lebel ng “Subsistence” ang kanilang pamumuhay. Sila ang mga benepisyaryo na may kakayanang bumili at kumain ng tatlong beses sa isang araw, subalit wala pa ring kakayanan na tugunan ang ibang pangangailangan ng pamilya gaya ng edukasyon, pananamit at iba pa. Samantala, ang mga benepisyaryong nasa ‘May Kakayahang Makapag-sarili’ o nasa lebel na Self-Sufficiency (Level 3) ng pamumuhay naman ay mayroong bilang na 600,271 o 30.46%. Ang  mga benepisyaryo na kabilang sa lebel na ito ay kaya nang tugunan ang kanilang pangunahing pangagailangan kagaya ng pagkain, edukasyon, tirahan, pananamit at iba.  Sila ay meron ng sapat ng kita at kakayahang sosyal upang matugunan ang mga ito. Subalit meron pa rin posibilidad na bumalik sa may sa Level 2 o kahit sa Level 1 bunga ng negatibong epekto ng kalamidad, politikal, sosyal, at pangkabuhayang kalagayan ng bansa.

Sukatang Pangkabuhayan (Economic Sufficiency)

Maayos na hanapbuhay o kasiguraduhang may pinagkakakitaan at kasapatan ng nakukuhang  serbisyong panlipunan ang pinakaimportanteng pamantayan na hinahanap sa pagsasagawa ng SWDI.  Ang kita ng sambahayan ang batayan sa pagkilatis ng kakayahang pang-ekonomiya, at ayon sa resulta, nakitang mahigit sa kalahati ng mga benepisyaryong natasa ay nakatawid na mula sa kahirapan. Nasa 6.7% na lamang ang nanganganib na bumalik sa kahirapan. Ngunit, nakita din sa resulta na may isa sa limang 4Ps benepisyaryo ang walang sapat na kita para makabili ng pagkain para sa kanilang pamilya.  

Sa naitalang bilang ng benepisyaryo na nasa Level 3 na, 3% lamang o 59,090 ang nagsabi na sila ay may kumpyansang grumadweyt o umalis na sa programa.  Dahil dito, noong Enero 2020, may 30 sambahayan  mula sa NCR na nasa Level 3 ang nasimulang maproseso sa kanilang susunod na lakbayin pangkaunlaran bilang pag-gradweyt o pag-alis mula sa 4Ps.  Isa dito si Gng. Margie V Maata, isang solo parent ng Pasig City. Siya ay mayroong dalawang anak na nagtratrabaho, isang nasa kolehiyo, at isang hayskul.

“Mahirap ang buhay ng isang solo parent. Mag-isa kong ginampanan ang tungkulin ng isang ama at ina.  Ganun pa man, hindi ito naging hadlang upang maitaguyod ko sa pag-aaral ang aking apat na anak.  Naging katuwang ko ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program upang mapagtagumpayan ko ang hamon ng buhay. Naniniwala ako na ang kahirapan ay kailanman hindi hadlang upang mapagtagumpayan ang ating mga adhikain.  Sa pagtatapos ng aking mga anak, handa na rin ako na makagradweyt mula sa 4Ps,” ani Gng. Margie.

Kalusugan

Samantala, ang  mga hinihanap na sukatan sa SWDI para makita ang  antas ng kalusugan ng sambahayang benepisyaryo ay mismong kondisyon ng kanilang kalusugan; ang pagamit ng mga serbisyong  binibigay ng mga ‘health centers’; kalagayang nutrisyon; at pagkakaroon ng tubig at malinis na kapaligiran.  Nakita sa resulta na nasa nakakaraming benepisyaryo na ang nasa pangatlong lebel na rin para sa kalusugan. Halos lahat ay nakakain ng tatlong (3) beses sa isang araw at umabot na sa 72. 67% sa kanila ang regular nang dumudulog sa mga health centers para sa kailangang serbisyong medikal at pangkalusogan na binibigay ng gobyerno.

Ito ay naisalarawan sa buhay ng pamilya Mendiola ng Brgy. Calzada, Taguig City. Nabago ang buhay nila nang sila ay maging 4Ps benepisyaryo.  Gamit ang sipag at tiyaga, nakapagpundar sila ng tatlong (3) tricycle na ngayon ay kanilang pinagkukuhanan ng kita.

“Kung noon po kami ay hikahos at ‘di alam kung saan maghahanap ng pagkakakitaan, ngayon po ay masasabi kong umangat na ng talaga ang antas ng aking pamilya kung saan ay nakakakain na ng 3 beses o higit pa sa isang araw at nabibili na rin ang mga bagay na ‘di namin nabibili noon.  Bilang isang miyembro ng programa sa loob ng sampung taon, masasabi ko po na ako ay handa nang grumadweyt sa  programa at para mabigyan din ng oportunidad na mapabilang ang iba pang katulad kong nangangailangan,” pag-babahagi ni Nanay Clarissa Mendiola.  

Edukasyon

Isa sa pinakamithi ng programa ay ang pagputol ng siklo ng pagsalin ng kahirapan sa susunod na henerasyon, sa pamamagitan ng pamumuhunan sa edukasyon ng mga bata. Ang mga batayan ng SWDI sa edukasyon ay ang kakayahang gamitin ang pagbabasa at pagsusulat at ang pagpasok o maka enrol sa paaralan. Ayon sa resulta, nasa 1,704,167 o 86.47% na sambahayan ang may miyembro ng pamilya mula edad 10 taon, ang marunong magbasa, magsulat at magbilang na natutunan nila mula sa paaralan. Ngunit, may 11,248 or 0.57% pa rin na sambahayan ang may miyembro ng pamilya na halos hindi marunong magbasa, magsulat, magbilang o umintindi ng simpleng direksyon.

Sa enrolment at pagdadalo sa eskwela ng mga batang benepisyaryo mula ‘day care centers’ hanggang kolehiyo, may 1,928,256 o 97.84% sambahayan ang  may mga anak na naka enrol. Meron na lamang 42,611 o 2.16% sambahayang hindi naenrol ang kanilang anak o kaya ay natigil sa pag-aaral.

Ang sakop lamang ng programa ay mga batang benepisyaryo na nag-aaral hanggang sila ay makapagtapos ng hayskul o kaya umabot na sa edad na 18.  Noong 2015, may naitalang mahigit 300,000 na hayskul benepisyaro ang grumadweyt. Walang naitalang grumadweyt sa hayskul sa sumunod na dalawang taon dahil sa pag-patupad ng K-12, kaya nitong ang huling datos ng mga nagsipagtapos na estudyante ng hayskul na batang benepisyaryo ay nasa 717,634 noong 2019.

Bukod dito, ang Commission on Higher Education o CHED, ay nagpaabot din sa 4Ps ang kanilang  Expanded Student Grants-in-aid Program for Poverty Alleviation o ESGP-PA, na syang sumuporta at tumulong upang makapagtapos sa kolehiyo ang mahigit 35,000 na benepisyaryo ng programa.

Ang kwento nila Nanay Jiazmin C. Cagoyon at ang anak niyang si Frances Irene ng Pasig City, ay isang patunay nito.  Si Nanay Jiazmin ay isang aktibong miyembro ng 4Ps at naninilbihan din bilang isang Barangay Health Worker sa San Miguel Health Center. Dahil sa 4Ps, naging ESGP-PA iskolar si Frances, at nakapagtapos ng kursong BS Chemistry at ngayon ay isa ng Lisensyadong Chemist.

Lubos ang naging pasasalamat ko na mapabilang ang aming pamilya na maging miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Nang dahil sa Programa ay natutunan ko kung paano paunlarin ang sarili, at maniwala na lahat ay posible basta’t magtiwala sa proseso at patuloy na matuto,” ani Frances.

Malaking pagsubok naman sa pamumuhay ng pamilya Barreno na  binubuo ng mag-asawang Ramoncito at Eunice, kasama ang kanilang pitong anak, ang matustusan ang pag-aaral ng kanilang mga anak dahil sa kakulangan ng pera. Ngunit, nandigan ang mag-asawa na makapagpamana ng kayamanan ng edukasyon sa kanilang mga anak, kaya’t pilit nilang itinaguyod ang pinakamatandang anak nilang si Raymond. Nagtatrabaho si Tatay Ramoncito bilang janitor at si Nanay Eunice naman ay konduktor ng bus.  Laking tuwa ng pamilya ng makapasa si Raymond sa UPCAT at maging ESGP-PA iskolar, at ngayon ay nakapagtapos nan g kolehiyo sa kursong Bachelor of Arts in History.

“Isang malaking hamon sa akin ang tumayong panganay sa kaniyang mga kapatid at ang responsibilidad na nakaatang na maging susunod na bread-winner ng pamilya na magiging katuwang ng aking mga magulang sa pagpapa-aral at pagpapalaki ng aking mga kapatid. Ito ang naging inspirasyon ko upang magpunyagi sa pag-aaral,” pagbabahagi ni Raymond.

Ang iba pang mga pamantayan na hinanap sa SWDI ay ang pagkakaroon ng tirahan, mga ginagampanang tungkulin ng bawat miyembro ng pamilya, at kamalayan ng pamilya sa mga makabuluhang isyung nagaganap.

Ang opisyal na resulta ng SWIDI 2019 Assessment Report ay nilalayong mailabas sa pagtatapos ng buwan ng Agosto 2020 na siyang ipamamahagi ng Pantawid Pamilya sa iba’t ibang partner LGUs, NGAs, CSOs, POs, at mga pribadong establisamyento na nais maging katuwang ng programa sa pagbibigay ng mga karagdagang pamamaraan at tulong para sa matingkad na pagpapatupad ng programa. ###