Pagpaparehistro upang makatapos ng high school ang inyong anak PDF Print E-mail
News Features - Success Stories
Written by 4Ps Social Marketing Unit   
Friday, 22 August 2014 14:07

 

Isa si Alvin sa mga batang benepisyaryo na nabigyan ng pagkakataon upang maipag-patuloy ang kanyang pag-aaral sa high school.Hindi maiwasang malungkot ni Alvin Serrano nang tumungtong siya ng 15 taon gulang. Naisip niya na hindi na siya magiging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Bago kasi na-expand ang programa, hanggang 14 taong gulang na bata lang ang mga batang benepisyaryo. Nag-alala siya na baka hindi na siya makakapag-aral dahil sa hirap ng buhay.

“Naisip ko po na kapag nawala na ako sa programa, hindi na ako makatapos ng high school. Yung cash grant kasi ang ginagamit namin pambili ng mga gamit sa eskwela at sa projects,” kwento ni Alvin na nag-aaral sa Ramon Magsaysay High School sa Maynila.

Ngunit napawi ang lungkot ni Alvin nang ibalita ng kanyang nanay na si Carolina na na-expand na ang programa. Tumutulong na ito sa mga batang benepisyaryong hanggang 18 taong gulang upang  makatapos ng high school. Nakakatanggap si Alvin ng P500 kada-buwan para sa kanyang edukasyon.


Ayon kay Carolina, “Masaya kami na nakasali pa si Alvin sa programa. Malaking tulong ito sa kanyang pag-aaral. Mas ganado at pursigido siyang mag-aral dahil hindi niya inaalala ang panggastos sa eskwela.”

Pagapaparehistro ng anak sa high school


Katulad ni Alvin, maaari ring makatapos ng high school ang marami pang kabataan. Sa pag-expand ng Pantawid Pamilya, ang mga sambahayan na hindi pa nakaka-maximize ng tatlong benepisyaryo ay maaaring magparehistro ng batang edad 15 – 18 upang makabalik o makapag-aral ng high school. Makipag-ugnayan sa City Link upang marehistro ng karagdagang bata. Ihanda rin ang birth certificate ng batang nais iparehistro upang magamit sa pagva-validate ng sambahayan.

Bilang isang magulang, kampante na si Carolina na makakatapos ng high school ang kanyang mga anak na benepisyaryo ng programa.Para sa sambahayan na nais palitan ang batang naka-rehistro sa programa, ipaalam ito sa inyong City Link upang maproseso ang pag-a-update ng impormasyon ng inyong  sambahayan na nakatala sa Pantawid Pamilya Information System. Sa pagpapa-update, kailangan ng birth certificate at school certification mula sa puno ng paaralan ng batang nais iparehistro sa programa.

 

(View video of Alvin and his mother Carolina)

 

Expansion ng Pantawid Pamilya

Sa mas pinalawig na suporta ng programa, matulungan ang mga batang benepisyaryong makatapos ng high school. Magkakaroon na sila ng mas malaking tsansa na makatulong sa pamilya o di kaya ay makapasok at makapagtapos ng kolehiyo.

Tulad ng pamilya nina Carolina at Alvin, ang pamilya mo ay maaaring makatanggap ng karagdagang suporta mula sa Pantawid Pamilya upang makatapos ng high school ang inyong mga anak.Ayon sa isang pag-aaral, ang kinikita ng isang taong nakapagtapos ng high school ay 40% na mas mataas kaysa sa kinikita ng isang taong nakapagtapos lamang ng elementarya. Sa pag-aaral ng high school, nabibigyan ang mga mag-aaral ng sapat na kaalaman at kalinangan na magagamit nila pagka-gradweyt.

Kung may katanungan tungkol sa pagpaparehistro ng anak, kausapin ang inyong City Link o bumisita sa opisina ng Pantawid Pamilya o DSWD sa inyong lugar. ###

 
Department of Social Welfare and Development
Constitution Hills, Batasan Complex
Quezon City, Philippines 1126
(632) 931 8101 to 931 8107