Balik-eskwela sa tulong ng DSWD at SGP-PA PDF Print E-mail
News Features - Testimonials
Written by 4Ps Social Marketing Unit   
Tuesday, 05 August 2014 13:15


Jocelyn Aligata ng Hinigaran, Negros Occidental, 23 taong gulang, isa sa 4,041 scholars na tinutulungan ng SGP-PA makatapos ng kolehiyo
Si Jocelyn Aligata ng Hinigaran, Negros Occidental, 23 taong gulang, ay nahinto ng limang taon sa pag-aaral. Hindi na matugunan ng kanyang mga magulang ang kanyang pag-aaral dahil kulang ang kinikita ng kanyang tatay para sa gastusin sa bahay. 

“Hirap po kami sa buhay kaya nahinto kami sa pag-aaral. Nagtrabaho nang maiigi ang tatay ko para hindi kami magutom,” sabi ni Jocelyn na namasukan bilang katulong upang kumita nang mahinto siya sa pag-aaral. Labing-walong taong gulang siya noon. 
 
Kapareho ng kapalaran ni Jocelyn si Gay Myrell Abrogena ng Pinili, Ilocos Norte. Nasa ikatlong taon na si Myrell sa kursong B.S. Education nang sabihin sa kanya ng kaniyang mga magulang na hindi na niya muna maipagpapatuloy ang kanyang pag-aaral. 
“Nalungkot ako nang malaman iyon. Sayang kasi isang taon na lang matatapos na ko, pero wala naman akong magagawa kung wala silang pampaaral sa akin,” sabi ni Myrell.

Tila isang mailap na pangarap na nga ang makatungtong sa kolehiyo para sa maraming Pilipino tulad nina Jocelyn at Myrell. Nariyan ang kagustuhang matuto, ngunit tila naparalisa na ng kahirapan ang kapasidad na makatapos ng pag-aaral.

Kaya nang mag-kolehiyo
 
Batid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang edukasyon ay tumutulong sa paghubog ng kinabukasan ng isang tao. Kaya naman nakipagtulungan ang DSWD sa Philippine State Universities and Colleges (PASUC) at Department of Labor and Employment (DOLE) upang maipatupad ang Student Grants-in-Aide Program for Poverty Alleviation (SGP-PA) noong 2012.

Sa pamamagitan ng SGP-PA, natutulungan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa hangarin nitong  mag-invest sa edukasyon ng mga mahihirap na kabataan tulad nina Myrell at Jocelyn. 

Sa tulong-pinansyal mula sa SGP-PA, nakabalik sa pag-aaral si Myrell at naka-graduate na noong nakaraang semestre. Laking pasasalamat niya sa pagiging SGP-PA scholar.

“Kung hindi dahil sa SGP-PA, hindi na siguro ako makakatapos,” sabi ni Myrell na nagtapos sa Mariano Marcos State University.

Pangarap na noon pa man ni Myrell na maging guro kaya kumuha siya ng kursong pang-edukasyon. Nag-rerebyu siya ngayon para sa Licensure Examination for Teachers. Nais niyang magturo sa isang paaralan sa Pinili kapag ganap na siyang guro. Gusto niyang matulungan ang mga kababayan niyasa pamamagitan ng pagtuturo at maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya. 

Masayang ibinahagi Myrell, “Kaya ko nang matulungan ang mga kababayan ko na magbasa at magsulat. Naging posible dahil sa scholarship na nakuha ko.”

Maaari na ring matupad ni Jocelyn ang kanyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral. Isa siya ngayon sa 4,041 SGP-PA scholars mula sa 25 state universities at colleges. Naka-enrol siya sa Bachelor of Science in Forestry sa Western Visayas State University.
 
 Si Gay Myrell Abrogena ng Pinili, Ilocos Norte, ay isa sa mga unang grumaduweyt sa tulong ng SGP-PA sa kursong B.S. Education.Marami pang matutulungan
 
Ang isang iksolar ng SGP-PA ay nakatatanggap ng P10,000 para sa tuition, P2,500 para sa textbooks at iba pang gamit sa eskwela kada-semestre, at P3,500 na monthly allowance. Kada-school year,maaaring tumanggap ang isang iksolar ng hanggang P60,000 para sa edukasyon.

At upang mas marami pa ang makapagtapos ng kolehiyo, ipatutupad ang expanded SGP-PA (ESGP-PA). Tinatayang 36,000 na iskolar ang mapapasama sa programa at mabibigyan ng pagkakataon na makakuha ng edukasyon sa kolehiyo tungo mas magandang kinabukasan. 

Bilang, may payo si Myrell sa mga benepisyaryo ng programa.
 
“Maging pursigido at matiyaga sa pag-aaral. Darating din ang araw na makakapagtapos sila,” payo ni Myrell. ###

 
Department of Social Welfare and Development
Constitution Hills, Batasan Complex
Quezon City, Philippines 1126
(632) 931 8101 to 931 8107